Tagalog News: Mga kabataang Alitagtagueño, benepisaryo ng EGP Series 2

LUNGSOD NG BATANGAS, Nob 3 (PIA) -Bilang bahagi ng patuloy na pagseserbisyo publiko, isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Alitagtag ang Exclusive Government Program (EGP) Series 2 kung saan benepisaryo ang mga kabataan noong ika-21 ng Oktubre 2020.
 
Ang naturang programa ay mga serye ng pagkakaloob ng mga pangangailangan ng mga Alitagtagueno na humaharap sa iba’t-ibang pagsubok dulot ng pandemyang COVID 19.
 
Sa EGP Series 2, may 19 na masusuwerteng kabataan at isang guro ang napili sa pamamagitan ng virtual online draw na isinagawa. Isang mag-aaral bawat barangay ang napili mula sa 19 na barangay at isang guro mula sa Alitagtag DepEd District ang nabiyayaan ng tig-isang Android tablet, Smart pocket wifi na may SIM card at load mula sa Smart Communications Inc.
 
Mahigit sa 16,000 entries ang natanggap ng lokal na pamahalaan gamit ang official FB page ni Mayor Edilberto Ponggos kung saan kailangan ilagay ng mga kabataang nais sumali ang kanilang pangalan, address at contact number sa comment.
 
Ayon kay Mayor Ponggos, patuloy ang pamahalaang lokal sa pagbibigay ng serbisyong dapat para sa mga kababayan bagama’t hindi gaanong malaki ang pondo ng lokal na pamahalaan ngunit sinisikap nilang matugunan ang pangangailangan ng lahat lalo na at humaharap sa pandemyang dulot ng COVID-19.
 
“Katatapos lamang naming mamahagi ng tig-P500 bilang financial assistance sa lahat ng mga mag-aaral na umaabot sa 1,516 mula sa Alitagtag National High School at Alitagtag Senior High School. Ang mga ipinamahaging financial assistance ay mula sa mga surplus sa trainings at seminars ng munisipyo gayundin sa mga travelling expenses ng mga kawani,” ani Ponggos.
 
Dagdag pa ng punungbayan na patuloy ang lokal na pamahalaan na susuporta sa sektor ng edukasyon sa lahat ng adhikain nito upang matuto at matulungan ang mga kabataang Alitagtagueño.
 
Sa mensahe ni Dr. Myrtle Evardome, Schools Division Superintendent sa lalawigan ng Batangas, sinabi nito na hindi matatawaran ang tulong at pagkalingang ibinibigay ng lokal na pamahalaan ng Alitagtag sa kanilang nasasakupan. Hiniling nito na huwag magsasawang tumugon at tumulong sa pangangailangan ng mga paaralan at mag-aaral para sa mas magandang kinabukasan.
 
Nagsilbing panauhing pandangal naman si PIA Batangas Information Center Manager Mamerta De Castro na binigyang-diin ang patuloy na pagpupursigi ng mga kabataan na matuto at huwag tumigil sa pag-aaral anuman ang hirap at pagsubok na dinadaanan.
 
“Ang mga kabataang nagnanais na maging maganda ang buhay ay kailangang magpunyagi at malampasan ang anumang hamon, mahirap man ito upang patuloy na paunlarin ang sarili. Ang edukasyon ay isang kayamanang hindi mabibili o makukuha ng sinuman kaya’t dapat lahat ng kabataan ay huwag tumigil sa pagkatuto bagkus ay patuloy na mag-aral sa anumang posibleng paraan upang mas mapaganda ang kanilang kinabukasan,” ani De Castro.
 
Sa pagtatapos na mensahe ni Dr. Andrea Hernandez ng Alitagtag DepEd District, binigyang-diin nito na kung sama-sama at nagkakaisa ang lahat tungo sa isang magandang simulain at pangarap na mabigyan ng maayos na buhay ang mga kabataan, dapat ay patuloy na magkaisa at makiisa ang lahat para sa minimithing tagumpay. Lubos din ang kanyang kagalakan sa patuloy na pagtulong ng lokal na pamahalaan dahil sa bawat pangangailangan ng kanilang sektor ay agarang may tugon at solusyon .
 
Bukod sa 20 Android tablets, Smart pocket wifi at SIM na may load, mayroon ding 10 sako ng tig-25 kilos na bigas at karagdagang limang pocket wifis ang naipamahagi sa mga lumahok sa virtual draw. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments