LUNGSOD NG BUTUAN, Nob. 4 (PIA) -- Bagamat itinigil ang boundary checkpoints sa probinsya ng Agusan del Sur base na rin sa napagkasunduan ng Provincial Inter-Agency Task Force, mas naging mahigpit naman ang mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng health protocols laban coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Tulad na lang sa bayan ng San Francisco kung saan nauna itong naideklarang may local transmission, agad itong nagpatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at granular lockdown sa may 25 purok ng sampung barangay noong buwan ng Oktubre.
Matapos nito, may panibagong natukoy na mga purok sa ilang barangay kaya muli siylang isasailalim sa granular lockdown hanggang November 9, 2020 batay sa Executive Order ng lokal na pamahalaan doon.
Ayon kay San Francisco Mayor Solomon Rufila, nagpapatupad rin ang lokal na pamahalaan ng entrance at exit points sa ilang barangay.
"Dahil nga sa wala na tayong boundary checkpoints, ito na siguro 'yung mga pamamaraan ng ating LGU na pwede nating gawin na makatutulong din sa pagsagawa ng contact tracing, kaya kailangang mamonitor ang lahat ng pumapasok mula sa entrace," ani ni Rufila.
Pinaalalahanan din ni Mayor Rufila ang lahat sa patuloy na pagsunod sa health protocols tulad ng pagsuot ng face mask at face shield.
"Kahit sa vicinity ng ating public market, kailangang ma-establish natin ang entry at exit points. At ipaintindi natin sa lahat na kailangang sumunod sa mga basic protocols lalo na ang pagsuot ng face mask at face shield," dagdag ni Rufila.
Patuloy din ang koordinasyon ng bawat LGU sa probinsya para sa mas maayos at mabilis na pagsagawa ng contact tracing. (JPG/PIA-Caraga)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments