LUNGSOD NG BATANGAS, Nob 1(PIA) --Pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang isang pagpupulong upang alamin ang kahandaan ng lalawigan sa pagdating ng bagyong Rolly.
Sa naturang pagpupulong nagbigay ang PAGASA ng update ukol sa bagyo at ipinahayag ang posibleng pagtataas ng typhoon signal no. 3 sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Joselito Castro, pinuno ng PDRRMO na nakahanda ang lalawigan sa paparating na bagyo kung saan ang Provincial Social Welfare and Development Office ay may sapat na suplay ng posibleng pangangailangan ng mga Batangueno.
Kaugnay nito, nagpalabas ng direktiba si Governor Hermilando Mandanas na mag-release ng P10M para sa mga food packs na dagliang maipadadala sa mga evacuation centers.
Sinabi ni Dr. Rozvilinda Ozaeta, Provincial health Officer na nakahanda ang 12 District Hospitals sa buong lalawigan at sapat ang bilang ng gamot para sa emergency situations kabilang ang pagkakaroon ng angkop na alintuntunin at protocols upang maiwasaan ang COVID-19.
Siniguro naman ng Department of Education ang kahandaan ng mga paaralan na magsisilbing evacuation centers kung kinakailangan.
Naka-standby ang kawani ng Department of Public Works and Highways para sa posibleng road clearings gayundin ang mga kawani ng Philippine Coast Guard, Philippine Air Force at Philippine National Police.
Ang pagpupulong ay base sa direktiba ni Governor Mandanas upang alamin ang disaster response ng bawat ahensya ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang pamahalaang nasyunal. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS with reports from PIO PROVINCE)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments