Tagalog News: 4 coastal barangays ng Abra de Ilog nagsagawa ng pre-emptive evacuation

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Nob. 1 (PIA) -- Dahil sa banta ni Super Typhoon Rolly sa bayan ng Abra de Ilog, inilikas agad kagabi ng pamahalaang lokal (LGU) ang mga residente ng apat na baybaying-Barangay ng Udalo, Wawa, Sta. Maria at Lumangbayan.

Ayon kay Geoffrey Panganiban, opisyal ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), mabilis na inutos ni Mayor Eric Constantino ang pre-emptive evacuation upang matiyak na walang casualty sa kanilang bayan sa pagdaan ni Rolly.

Sinabi ni Panganiban na una rito, nakapagsagawa na ang LGU Abra de Ilog ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) Camp Management, upang pag-aralan kung paano mapapangalagaan ang kalusugan ng mga lilikas at patuloy na pairalin ang social distancing sa mga evacuation center (EC).

“Tinukoy natin ang karagdagang evacuation centers para hindi magsiksikan sa isang lugar ang mga lumikas, at mahigpit ang ating paalala sa pagsunod sa health protocols,” saad ng opisyal ng MDRRMO. Dagdag pa nito, may mga kinausap na din silang pamilya na handang ilaan ang tahanan upang magsisilbing EC.

Sa kasalukuyan, ayon pa kay Panganiban, makulimlim sa Abra de Ilog at nakakaranas ng manaka-nakang pag-ulan at bugso ng malakas na hangin. Wala pa ring daloy ng kuryente sa buong bayan na nagsimula pa noong nakaraang Bagyong Quinta.

Ang Abra de Ilog, habang sinusulat ang balitang ito, ay kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng Typhoon Signal #4, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA). (VND/PIA MIMAROPA)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments