LUNGSOD NG CALAMBA, Nob 9 (PIA) --May kabuuang P27, 151,060 halaga ng agricultural interventions ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) CALABARZON sa mga magsasaka sa ika-4 na distrito ng Quezon na nasalanta kamakailan ng mga bagyong Nika at Ofel.
Kabilang sa mga suportang ipinamigay sa mga magsasakang benepisaryo noong ika-5 ng Nobyembre ay certified rice seeds, fertilizer, iba't ibang high value crop seedlings, GM yellow corn seeds, iba't ibang buto ng gulay, lant growth enhancer, at mga baka.
Pinasamalatan ni DA CALABARZON Regional Director Arnel V. de Mesa ang lahat ng magsasaka sa CALABARZON dahil sa kanilang pagsusumikap at walang sawang pagkilos upang makatulong sa paglago ng sektor ng agriultura sa kabila ng kinakaharap nitong hamon dulot ng African swine fever, pagsabog ng Bulkang Taal, COVID-19 at iba pang kalamidad.
“Sa ngalan po ng ating kalihim, Secretary William D. Dar, walang patid po ang aming pasasalamat sa inyong lahat (na mga magsasaka). Sa kabila ng mga naranasan at nararanasan na suliranin o pagsubok ay nanatiling matatag ang ating sektor at sa katunayan ay ang bukod tanging sektor na nakapagtamo ng positibong pag-angat sa ating ekonomiya base sa datos,” sabi ni de Mesa.
Ipina-abot naman ni Quezon 4th District Rep. Dr. Angelina Tan ang kanyag taos-pusong pasasalamat sa patuloy na suporta ng DA CALABARZON sa lahat ng magsasaka sa kanyang distritong kinasasakupan.
“Magkatuwang po ang tanggapan ng inyo pong linkod sa kongreso at ng DA CALABARZON sa pamumuno ni Direktor de Mesa upang maging mas matalino, kapaki-pakinabang, napapanahon, at tuluy-tuloy ang pagbaba ng mga tulong pang-agrikultura upang umunlad pa ang ating mga magsasaka at mangingisda dito sa ika-apat na distrito ng Quezon,” sabi ni Rep. Tan.
Lubos naman ang pasasalamat ni Rodrigo Dinafuente, 65 taong gulang na magsasaka mula sa Gumaca, Quezon sa DA CALABARZON at sa tanggapan ni Rep. Tan sa pagdadala ng suportang agrikultural na magagamit nila sa pagbangon mula sa pagkaluging dulot ng mga nakaraang bagyo.
“Maraming, maraming salamat po sa DA at kay Kinatawan Helen Tan sa mga ayudang matatanggap po namin. Magagamit po namin ito upang makabawi sa lugi namin gawa ng mga nagdaang bagyo,” sabi ni Dinafuente.
Ayon kay Director de Mesa, ang kanyang tanggapan ay humiling na ng karagdagang 'quick response funds' para sa mga magsasakang apektado ng mga bagyong Pepito, Quinta, at Rolly upang maipagkaloob ang mas marami pang suporta.
"Patuloy po kaming mag-iikot sa rehiyon upang ma-validate at ma-assess ang pinsalang sanhi ng mga bagyong ito at mabilis na makita at maihatid ang nararapat na interbensyon sa ating mga magsasaka," sabi ni de Mesa.
Ang DA CALABARZON sa pangunguna ni Direktor de Mesa ay patuloy ang pagbisita sa mga magsasakang apektado ng mga nagdaang bagyo upang maihatid ang mga kinakailangang suporta, magdala ng mga updates ng mga iba't ibang programa ng departamento, at pakinggan ang mga problema, mungkahi, at kahilingan ng mga magsasaka. (PIA-4A at ulat mula sa RFL / DA-RFO IVA-RAFIS)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments