
MAGPET, Cotabato Province, Nob. 11 (PIA) -- Umaarangkada na ang pagtatayo ng tulay papasok sa Barangay, Manobo, Magpet, Cotabato Province ilang araw matapos ang isinagawang groundbreaking ceremony para sa nasabing proyekto.
Matatandaang noong Biyernes, Nobyembre 6, pinangunahan ni Gov. Nancy Catamco, Provincial Engineer Domingo Doyongan Jr., at Manobo Barangay Captain Roldan Pelonio ang groundbreaking ceremony para sa bridge project.
Sa panayam ni Philippine Information Agency kay Chairman Pelonio, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng tulay sa kumunidad ng Barangay Manobo.
Aniya, sa panahong matapos na ang tulay mapapabilis ang paglabas ng produkto ng mamamayan sa lugar patungo sa merkado at ang paghahatid ng mga serbisyong kinakailangan ng mga nakatira sa barangay at 14 na sitio nito.
Mababawasan na rin ang kanilang pag-aalala na may maaaksidente sa ilog lalung-lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Ang tulay sa Barangay Manobo ay isang two-lane reinforced concrete deck girder (RCDG) bridge.
Nagkakahalaga ito ng P22 milyon at pinundohan sa pamamagitan ng 20% Economic Development Fund ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato.
Inaasahang matatapos ang bridge project sa loob ng 240 na araw o sa Hulyo 2021.
Ayon naman kay Gov. Catamco, ang nasabing proyekto ay patunay na nakatuon ang pamahalaan sa pagbibibigay-lunas sa mga suliraning kinakaharap ng mga liblib na lugar.
Bukod sa naturang tulay, inaasahan pa ang naglalakihang proyekto sa lugar sa pagkakatalaga ng Barangay Manobo bilang isa sa 36 na barangay sa Cotabato Province na isinailalim sa Retooled Community Support Program (RCSP) na batay sa Executive Order 70 ni Pangulong Duterte na nag-uutos ng sama-samang pagtugon ng mga ahensiya ng pamahalaan sa pangangailangang pangkaunlaran ng mga barangay at makamit ang pangmatagalang pangkapayapaan sa lugar.
Bilang RCSP barangay, makakatanggap ng ayuda na nagkakahalaga ng P20 milyon ang kumunidad mula sa pamahalaang nasyunal sa 2021.
Ayon kay Kapitan Pelonio gagamitin ang naturang pondo sa pagsesemento ng bahagi ng 3.5 na kilometrong kalsada papasok sa 8 sa 14 na sitio ng Barangay Manobo. Base sa plano, aabot sa 1.7 na kilometro ang masasakop ng pundo.
Kabilang sa direktang makikinabang sa sementadong kalsada ay mga residente ng Sitio Linaysing, Maluso, Mahitang, Elid, at Pantaron, ayon sa kapitan.
Bukod pa ito sa iba't ibang serbisyong ipinangakong ipatupad ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan para sa mga residente ng Manobo.
Ang Barangay Manobo, na kilala rin sa tawag na Barangay Tiko, ay nasa hangganan ng Cotabato Province na patungo na sa Davao City. Katabi na ng nasabing barangay ang Barangay Tamayong at Barangay Tambobong ng Calinan District, Davao. (DED-PIA XII)

Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments