Pagpapalawig ng diskwento sa singil sa kuryente malapit nang maging batas

LUNGSOD CALOOCAN, Dis. 31 (PIA) -- Magandang balita sa bagong taon para sa higit Iimang milyong Pilipinong electricity consumer dahil malapit nang maging batas ang panukalang magpapalawig ng diskwento sa mga kumukunsumo ng kuryenteng hindi hihigit sa 100 kilowatt hour (kWh) kada buwan sa susunod na sampung taon simula sa taong 2021, ayon kay Senator Win Gatchalian.

Napipintong mag-expire sa Hunyo 2021 ang subsidiyang tinatawag na “Lifeline Rate” at ang panukalang palawigin pa ito hanggang Hunyo 2031 ay lumusot na sa second reading sa Senado.

“Hiling natin na maisabatas ito sa lalong madaling panahon para makatulong sa mga naghihikahos nating mga kababayan. Ang bawat pisong matitipid ay malayo ang nararating sa mga taong kapos sa buhay,” sabi ni Gatchalian.

Binansagang “happy measure” ng kapwa niya mga senador ang panukalang batas ni Gatchalian o Senate Bill No. 1877, na naglalayong mabigyan ng diskwentong aabot sa P900 kada taon ang may 5.5 na pamilyang Pilipino.

“Halos kalahating kaban ng bigas ang katumbas ng siyam na raan. Sapat na para maitawid ang ilang linggong kunsumo nila ng kanin na hindi galing sa mga ayuda ngayong may pandemya,” ani Gatchalian.

“Layon ng Lifeline Rate na matulungan ang mga pamilyang maliit ang kinikita at maitaguyod ang kanilang buwanang gastusin sa kanilang mga pangunahing pangangailangan,” paliwanag ng Senate Energy Committee Chairman.

Sabi ni Gatchalian kaugnay ito ng probinsyon sa Section 73 ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na nagpapatupad ng socialized pricing mechanism sa mga kwalipikadong lifeline consumers o mahihirap na customer.

“Ngayon higit na kailangan ng ating mga kinakapos na kababayan ang diskwento dahil patuloy silang nakikibaka sa mga hamon sa buhay na lalong pinalala pa ng pandemya na dulot ng Covid-19. Inaasahang ang masamang epekto ng pandemya ay patuloy na mararamdaman hanggang sa susunod na taon,” dagdag pa niya.

Ang probisyon sa Lifeline Rate ay una nang pinalawig 10 taon na ang nakakaraan at ito’y nakatakdang matapos sa darating na Hunyo 26 ng sususnod na taon kaya kinakailangang magpasa ng batas upang maipagpatuloy pa rin ang pagpapatupad nito sa susunod pang 10 taon, ayon sa senador.

Bagamat ang mga regular na customer ang umaako ng bayarin ng mga nakikinabang sa Lifeline Rate, binigyan diin ni Gatchalian na kakarampot lamang ang singil dito. Aniya, isang porsyento lamang ito o hindi lalagpas sa P0.07 sentimos sa buwanang bayarin sa kuryente.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga kwalipikadong marginalized end-users ay kinakailangang kabilang sa mga nakikinabang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o napatunayan ng mga distribution utilities na kwalipikado batay sa pamantayan ng Energy Regulatory Commission (ERC) at poverty threshold ng Philippine Statistics Authority (PSA).

“Hindi natin dapat putulin itong Lifeline Rate na kritikal sa panahon ngayon lalo na sa mga taong patuloy na nakikibaka para maibigay ang mga pangangailangan ng pamilya at malampasan ang kahirapan sa buhay. Hinihiling natin na maisakatuparan ang pagpasa ng panukalang batas na ito bago mag Hunyo 26 ng susunod na taon,” sabi ni Gatchalian. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments