PSHS pinalawig ang araw ng aplikasyon ng scholarship hanggang Enero 15

SIYUDAD NG DAGUPAN, Dec. 21 (PIA) - Pinalawig ng Philippine Science High School – Ilocos Region Campus (PSHS-IRC) ang araw ng pagsumite ng mga aplikasyon para sa scholarship hanggang sa ika-15 ng Enero 2021.

Ayon kay PSHS-IRC Director Ronnalee Orteza, pinalawig ang deadline ng aplikasyaon hanggang sa susunod na taon upang mabigyan ng karagdagang panahon ang mga estudyante na makapag-apply.

Ang PSHS o Pisay ay kasalukuyan nang nangangalap at tumatanggap ng mga aplikante mula sa mga mag-aaral sa ika-anim na baitang sa mga pampubliko at pampribadong paaralan para sa Philippine Science High School-National Competitive Examination (PSHS NCE) sa pamamagitan ng bagong sistema ng pagtanggap — ang Requirements for Admission, Criteria and Evaluation (RACE)

May dalawang batayan sa pagpili sa RACE.

Unang batayan ay sa pamamagitan ng pagtukoy ng predicted NCE grades (PNG) ng mga aplikante na batay sa panghuling marka sa Science at Mathematics sa Grade 5 at batay sa mga kasanayan sa pagsulat sa pamamagitan ng pagsusumite ng sanaysay at applicant’s academic rank sa pagtatapos ng ika-limang baitang. 

Ang programang ito ng pamahaalaan sa pangunguna ng PSHS System na nakaangkla sa Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST) ay para sa mga mag-aaral sa ika-anim na baitang sa antas ng elementarya.

Ang mga mangunguna at mapipiling 240 na aplikante sa buong Pilipinas na tatawaging ‘principal qualifiers’ ay matatanggap sa PSHS.

Sa Rehiyon Uno, mayroong alokasyon na 90 na mga iskolar.

Para sa pormal na aplikasyon, maaaring sumangguni  sa mga sangay ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya sa Pangasinan at Rehiyon Uno o kaya ay sa mismong PSHS-IRC sa San Ildefonso, Ilocos Sur.

Maari ring ipadala sa pamamagitan ng mga serbisyong courier at magdownload sa opisyal na website ng paaralan na: www.irc.pshs.edu.ph. (JCR/AMB/RPM/PIA Pangasinan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments