COTABATO CITY, Dis. 3 (PIA) -- Lalo pang itinataguyod ng Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) XII ang pagpapatupad ng Universal Health Care Act o ang Republic Act 11223.
Ito ay upang mapalakas pa ang paghahatid ng kalidad na serbisyong pangkalusugan lalo na ngayong may pandemya. Sinabi ni DOH-CHD XII regional director Dr. Aristides Tan na patuloy ang kanilang tanggapan sa pagsisiguro na naseserbisyuhan nang maayos ang mamamayan sa rehiyon.
Ang naturang batas ay tumutukoy sa pagsusulong ng Universal Health Care para sa lahat ng mga Pilipino, pagtatakda ng mga reporma sa Health Care System, at paglalaan ng pondo para dito.
Kaugnay nito, kamakailan ay nagturn-over ang DOH-CHD XII ng abot sa 18 ambulansya sa iba-ibang panig ng rehiyon, partikular sa mga lalawigan ng South Cotabato, Sarangani, at North Cotabato, maging sa lungsod ng Heneral Santos.
Ang pamamahagi ng mga Type 1 ambulance ay sa ilalim ng Health Facility Enhancement Program (HFEP) ng DOH. Nabatid na bawat ambulansya ay may sapat na kagamitan na mahalaga sa panahon ng emerhensya.
Tiwala si Tan na sa pamamagitan nito ay maa-upgrade ang kakayahan ng mga health facility lalo na sa aspeto ng referral cases. Dagdag pa niya, ang mga ambulansya ay malaking tulong sa paghahatid sa mga pasyente, lalo na yaong nangangailangan ng agarang atensyon, sa mga ospital. (PIA Cotabato City)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments