MIDSAYAP, Lalawigan ng Cotabato, Dis. 1 (PIA)--Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang hakbang ng kabataan dito sa bayan upang makakalap ng pinansyal na tulong para sa mga taga-Luzon na naapektuhan ng nagdaang bagyong Ulysses.
Sa pangunguna ng Higala, isang youth-led organization, isinagawa ang fundraising concert na tinawag na AMBAGyo. Sa loob ng apat na gabi, abot sa P11,381 ang nakalap na halaga. Nagpapatuloy din ang #DiUmanoAngBenteMo initiative at base sa pinakahuling datus, abot na sa P10,502 ang nalikom na donasyon.
Ayon kay municipal youth development officer-designate Roderick Bautista, ang isinagawang konsyerto ay sa pakikipagtulungan ng mga youth organization katulad ng Saklay at Project Buwas Damlag. Dagdag pa niya, naging tampok sa apat na gabing aktibidad ang mga youth dance group na Elites at Kalinangan Cheer Bullets maging ang local bands na Columns at Banda ni Pablo.
Sa Biyernes, Disyembre 4, 2020, magkakaroon ng grand finale benefit concert para sa mga naapektuhan ng nabanggit na kalamidad.
Samantala, patuloy pa ring tumatanggap ng donasyon ang Higala sa pamamagitan ng #DiUmanoAngBenteMo initiative. Sa mga gustong magpaabot ng tulong, maaaring bisitahin ang https://ift.tt/3lq78U3.
Nabatid na ang pangangalap ng donasyon at pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo ay suportado din ng Sangguniang Kabataan Municipal Federation at ng Local Youth Development Council ng bayan.
Inaasahan namang sa susunod na linggo ay maipadadala na sa JuanSpark Youth Leaders, isang youth organization na nakabase sa Luzon, ang kabuuang perang nakalap. (PIA Cotabato Province)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments