LUNGSOD QUEZON, Dis. 28 (PIA) -- Nagpapaulan ang mga low pressure area sa katimugang Palawan at Hilagang-Silangang Luzon kaya minabuti ng Office Civil Defense -Mimaropa na magpatawag ng pagpupulong na dinaluhan ng mga miyembro ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ng Mimaropa.
Sa naganap na virtual Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting para sa mga LPA nitong Linggo, pinasalamatan ni OCD Mimaropa Assistant Regional Director (ARD) Nieves Bonifacio ang mga ahensiya at lokal na pamahalaan sa pagdalo sa pulong at pagtatrabaho kahit kasagsagan ng holiday.
Hinimok din ni ARD Bonifacio na mga miyembro ng RDRRMC-Mimaropa na humanda sa pag-responde kung kinakailangan sa mga maaapektuhan ng LPA.
Una rito, sinabi ng DOST Pagasa na ang pinakarurok ng La Nina Phenomenon sa bansa ay sa pagitan ng Nobyembre–Disyembre at maaring makaranasan rin sa Enero 2021. Dahil dito, magiging maulan sa malaking bahagi ng bansa kabilang na rito ang Mimaropa.
Matatandaang napakaraming bagyong nakaapekto sa Mimaropa gaya ng Bagyong Quinta at Supertyphoon Rolly.
Tiniyak ng DSWD Field Office Mimaropa na may mga family food packs sa kanilang bodega sa Narra, Palawan na pwedeng ipang-tulong sa mga lokal na pamahalaan kung sakaling kakailanganin.
Ang Department of Health (DOH)-Mimaropa naman ay nagsabing may mga gamot at medical supplies na nakaposisyon sa kanilang Provincial DOH Office sa Palawan.
Nakabantay naman ang mga PDRRMO sa anumang epekto ng mga LPA at iba pang weather system sa kanilang mga nasasakupan. (LP)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments