NORZAGARAY, Bulacan, Disyembre 2 (PIA) -- Magkasanib pwersang ibinaba ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaang nasyonal ang sari-saring tulong at ayuda para sa mga mamamayan ng Norzagaray na pinakanasalanta ng bagyong Ulysses.
Una na riyan ang isang milyong pisong Enhanced Kadiwa ni Ani at Kita Financial Grant Assistance ng Department of Agriculture na ipinagkaloob sa Municipal Agriculture Office o MAO.
Ayon kay DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, ang nasabing halaga ay inilaan upang mabigyan ng panimulang puhunan ang mga magsasakang nasiraan ng tanim dahil sa nagdaang bagyo.
Prayoridad nito ang mga magsasakang hindi pa rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA.
Ipinaliwanag ni Evangelista na kadalasan, dahil hindi rehistrado sa RSBSA ang mga maliliit na magsasaka ay hindi nakakatamo ng mga tulong, proyekto at programa ng DA.
Kaya’t sa pamamagitan aniya ng proyektong ito, irerehistro na rin ng DA ang mga magsasaka sa RSBSA kapag nag-avail ng naturang ayuda.
Iba pa rito ang pagkakaloob ng tatlong milyong piso sa MAO upang matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng post-harvest facilities gaya ng dryers.
Kasabay nito, umabot sa 791 na mga taga-Norzagaray ang nabiyayaan ng ayuda galing sa Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ayon kay DSWD Undersecretary Aimee Torrefranca-Neri, 131 na nawasak ang tahanan noong bagyo ang nakatanggap ng tig-limang libong piso habang 660 na bahagyang napinsala ang bahay ay may tig-tatlong libong piso.
Samantala, nagbigay ang tanggapan ni Senador Bong Go ng tig-iisang grocery pack sa naturang 791 na tinamaan ng bagyo.
Iba pa rito ang 25 yunit ng table computer sa mga benepisyaryong may anak na nag-aaral sa pamamagitan ng online classes at 25 na mga bisikleta para sa mga arawang manggagawa. (CLJD/SFV-PIA 3)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments