Isulong ang health intervention sa gitna ng banta ng 'baby boom' - Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Enero 6 (PIA) -- Binigyang diin ni Senator Win Gatchalian ngayong araw ang kahalagan ng mga programang pang-kulusugan at pang-nutrisyon para sa nangangailangang mga sanggol at mga ina.

Ito'y kasunod ng inaasahan ng Commission on Population and Development (POPCOM) na pagdami ng mga ipapanganak na sanggol sa unang bahagi ng 2021. 

Paliwanag ni Gatchalian, ang mga programang ito ay mandato sa "Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act" (Republic Act 11148) o ang "First 1,000 Days Law" na layong matugunan ang pangangailanang pang-nutrisyon ng mga mag-ina lalo na sa unang isang libong (1,000) araw ng buhay ng isang sanggol. Binibigyang prayoridad ng naturang batas ang mga nasa malayong komunidad kung saan maraming mahihirap na pamilya. 

Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA), may isang daang (100) milyong pondong nakalaan para sa complementary feeding program para sa mga ina at mga sanggol na may edad na hanggang dalawang taon.  Bahagi ng naturang programa ang dietary supplementation, ang pagbili ng therapeutic milk, at ibang pagkaing mayaman sa protina upang maging malusog ang parehong bata at ina.

Sa naturang batas, prayoridad ang mga local government units (LGUs) kung saan laganap ang kakulangan sa nutrisyon ng mga nagbubuntis at nagpapapasusong mga ina, kabilang ang kanilang mga anak.

“Ngayong inaasahan natin ang pagdami ng mga ipapanganak na sanggol sa kalagitnaan ng pandemya ng COVID-19, mahalagang bigyan natin ng prayoridad ang kalusugan ng parehong ina at mga anak mula sa pagbubuntis hanggang sa edad na dalawang taon,” ani Gatchalian.

Ayon sa World Health Organization, ang kakulangan sa nutrisyon sa unang isang libong (1,000) araw ng buhay ay naiuugnay sa “stunting” o mabagal na paglaki dahil sa kakulangan sa nutrisyon. Mataas ang pagkakataon na ang mga batang ito ay magpakita ng mas mababang performance sa mga paaralan at productivity pagdating sa trabaho. Ang mga batang “stunted” ay nanganganib namang magkaroon ng mga nutrition-related chronic diseases.

Sa Pilipinas, mahigit tatlumpung (30.3) porsyento pa rin ng mga bata ang maituturing na stunted, ayon sa Global Nutrition Report 2020.

Ayon sa University of the Philippines Population Institute (UPPI) at sa United Nations Population Fund (UNFPA), inaasahang dalawa’t kalahating (2.5) milyong mga hindi inaasahang pagbubuntis ang maitatala sa huling yugto ng 2020.

Dagdag pa ng mambabatas, kailangan ding paigtingin ang pagkakaroon ng angkop na reproductive health education tulad ng mandato ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (Republic Act 10354). Aniya, mahalaga ito upang masugpo ang teenage pregnancy sa bansa. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments