Iwasan ang 'learning crisis' kasunod ng pagkansela ng physical classes -Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Dis. 3 (PIA) -- Muling nagbabala si Senator Win Gatchalian na posibleng maantala ang kaalaman ng mga mag-aaral at lumala ang krisis ng edukasyon sa bansa sa pagkansela ng pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes sa mga lugar na wala o kakaunti ang kaso ng COVID-19.

Ani Gatchalian, bagama't makatutulong ang limitadong face-to-face classes sa mga suliranin ng distance learning, ang pagkansela nito ay maituturing na pag-iingat laban sa bagong uri ng COVID-19 na kumakalat sa buong mundo.

Upang mapigilan ang napipintong paglala ng krisis sa edukasyon, hinimok ni Gatchalian ang pamahalaan na gawin ang lahat ng mga posibleng hakbang upang makabawi ang mga mag-aaral sa panahong nakalaan sana para sa face-to-face classes.

Kasama sa mga hakbang na ito ang pagsasagawa ng mga remedial programs. Ayon sa senador, dapat suriin nang mabuti kung aling aspeto ng mga aralin ang kailangan tutukan at kung sinu-sinong mga mag-aaral ang dapat tutukan. 

Sa ilalim ng 2021 national budget, higit labing-anim na bilyong piso (P16,615,694,000) ang nakalaan sa “programmed appropriations” sa ilalim ng pondo ng Department of Education (DepEd) para sa “flexible learning options.” Anim (P6 B) na bilyong piso naman ang nakalaan para sa flexible learning options sa ilalim ng unprogrammed appropriations.

Ani Gatchalian, inaasahan na magtutuloy-tuloy ang paggamit sa iba’t ibang paraan ng pagtuturo tulad ng self-learning modules, radyo, at telebisyon upang suportahan ang mga guro at mag-aaral.

Mahalaga din aniya ang papel ng Alternative Learning System (ALS) upang maabot ang higit dalawang (2.3) milyong mag-aaral sa K to 12 na hindi nakapag-enroll dahil sa pandemya. Isang special provision sa pondo ng flexible learning options ng DepEd ang naglalaan ng mahigit limang-daang milyong (559) milyong piso para sa programa.

“Dahil wala na muna tayong face-to-face classes ngayong Enero, nangangambang baka lalong umurong ang kaalaman ng ating mga kabataan. Mas malaki ang magiging problema natin. Kaya dapat sa 2021, ibuhos natin ang budget at lahat ng resources para masiguro na hindi umurong ang kaalaman ng ating mga estudyante,” pahayag ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture

Muling binigyang diin ng senador na bago pa tumama ang pandemya, ipinakikita na ng mga international assessments na nahuhuli ang mga mag-aaral sa bansa kung ihahambing sa mga mag-aaral sa ibang bansa. Ang mga tinutukoy na international assessments ay ang 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), ang Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2019, at ang Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) 2019.

Dagdag pa ng senador, mahalaga ang pagsasagawa ng reporma sa edukasyon at pagsasanay para sa mga guro upang umangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 1887, isinusulong ni Gatchalian ang mas maigting na ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at ng Professional Regulation Commission (PRC) upang i-angat ang kalidad ng pagsasanay at edukasyon ng mga guro sa bansa. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments