LUNGSOD NG MALOLOS, Enero 3 (PIA) -- Ginunita ng mga Bulakenyo ang Ika-124 Taong Anibersaryo ng Kabayanihan ni Dr. Jose P. Rizal, sa pamamagitan ng pagkakalagda sa Batas Rizal ng Malolos.
Ito ang Kapasyahang Panglungsod 87-2020 na buong pagkakaisang pinagtibay ng Sangguniang Panglungsod ng Malolos.
Ayon sa may akda nitong si Konsehal Enrico Capule, kinailangang makapagpatibay ng ganitong uri ng ordinansa upang maipatupad ang mga itinatadhana ng Republic Act 229. Tungkol ito sa paglikha ng mga komite para sa wastong pamamaraan ng pag-alaala sa kabayanihan ni Rizal sa bawat bayan at lungsod sa bansa.
Pormal na itong nagkabisa nang lagdaan ni Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian ang nasabing ordinansa. Ito ang nagbunsod upang makapagbuo na ng komite sa mga programang pang-alaala tungkol kay Rizal sa lungsod sa kauna-unahang pagkakataon, 52 taon mula nang maisabatas ang Republic Act 229 noon pang 1948.
Binubuo ito ng mga kinatawan ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP, Department of Education, Philippine National Police, Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Pamahalaang Lungsod ng Malolos, Order of the Knights of Rizal at ang Women of Malolos Foundation Inc.
Taong 2010 nang nasimulan ang taunang paggunita sa kabayanihan ni Rizal sa Casa Real sa inisyatibo ng Order of the Knights of Rizal sa pakikipagtulungan ng NHCP.
Ang Order of the Knights of Rizal ay nalikha naman sa bisa ng Republic Act 646 na may mandatong manguna sa mga programang pang-alaala tungkol kay Rizal.
Hanggang nitong Marso 2020, nagsumite ng petisyon ang Order of the Knights of Rizal sa Sangguniang Panglungsod ng Malolos upang bumalangkas at makapagpasa ng ordinansa na tutupad sa Republic Act 229.
Bukod sa taunang pag-alaala sa kabayanihan ni Rizal, isinama rin sa tungkulin ng binuong komite ang pangangasiwa sa paghahanda at pagsasagawa ng mga programang pang-alaala sa iba pang makasaysayang petsa tungkol kay Rizal at ang kaugnayan niya sa Malolos.
Kabilang dito ang petsa ng kapanganakan ni Rizal na Hunyo 19, 1861, Pagpapadala ng Petisyon ng mga Kadalagahan ng Malolos noong Disyembre 12, 1888, Pagsulat ni Rizal sa mga Kadalagahan ng Malolos noong Pebrero 22, 1889, Pagdating ni Rizal sa Malolos upang isulong ang La Liga Filipina noong Hulyo 1892 at ang kanyang kabayanihan noong Disyembre 30, 1896.
Tinukoy din sa nasabing ordinansa ang Casa Real de Malolos bilang opisyal na dapat pagdausan ng mga makasaysayang pag-alaala tungkol kay Rizal.
Ayon kay Nett Jimenez, kurador ng Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas ng Casa Real de Malolos ng NHCP, sa lugar na ito unang ginunita ang kabayanihan ni Rizal noong Disyembre 30, 1898 nang ideklara ni noo’y Pangulong Emilio Aguinaldo ang nasabing petsa bilang araw ng pagluluksa. (CLJD/SFV-PIA 3)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments