Tagalog News: 2020 Bangsamoro Peace Champion pinangalanan ng BARMM

LUNGSOD NG COTABATO, Enero 6 (PIA)-- Pinangalanan kamakailan ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa pamamagitan ng Ministry of Public Order and Safety (MPOS-BARMM),  si Esmael Usop Sema mula sa Maguindanao bilang Bangsamoro Peace Champion 2020.

Iginawad ni MPOS Minister Hussien Muñoz ang trophy, plaque of recognition, at P50,000 cash reward kay Sema sa ginanap na seremonya sa lungsod. Sinabi ni Muñoz na ang Bangsamoro Peace Champion 2020 ay taunang programa na naglalayong kilalanin ang inisyatibo ng mga peace-builder at advocate, at hikayatin silang ipagpatuloy ang kanilang marangal na pagsisikap.

Binigyang-diin pa ni Muñoz na layon ng programa na kilalanin ang huwarang mga indibidwal na inialay ang kanilang oras at kakayahan sa pagsusulong ng kapayapaan sa kani-kanilang mga komunidad sa loob ng BARMM.

Nabatid na ang Bangsamoro Peace Champion na si Sema ay partikular na tumulong sa Barangay Barurao sa bayan ng Sultan sa Barongis upang masolusyunan ang iba’t-ibang problemang kinakaharap ng komunidad at isa na dito ang kawalan ng paaralang pansekundaryo. Kaisa siya sa pagtatag ng Kaliyot B. Sali Peace Academy, Inc. na naglalayong itaguyod ang kapayapaan sa pamamagitan ng edukasyon.

Ang nasabing paaralan ay nag-aalok ng libreng edukasyon sa mga mag-aaral nito, kabilang ang mga libreng uniporme at iba pang mga kinakailangang kagamitan. Naniniwala si Sema na malaki ang maitutulong ng edukasyon upang maiwasan ang posibilidad ng pagsali ng kabataan sa mga rebeldeng grupo.

Samantala, apat pang peace advocates ang pinangalanan bilang finalists para sa nasabing parangal. Ito ay sina Lo Ivan Castillon at Sohaila Macadato mula sa lungsod ng Cotabato, Joharie Kabugatan mula Rajah Buayan, Maguindanao, at Jamilnur Sarip mula sa lungsod ng Marawi, Lanao del Sur.  (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM).

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments