Tagalog News: Batangas Capitol patuloy ang tulong pinansiyal sa mga repatriated/distressed OFWS 

LUNGSOD NG BATANGAS, Peb. 1 (PIA)--Muling namahagi ng ayudang pinansiyal sa mga nawalan ng trabaho, pinauwi at hindi pa makaalis na mga Batangueño Overseas Filipino Workers (OFWs) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas noong Enero 28 na ginanap sa DREAM Zone, Capitol Compound.

Ang naturang financial distribution ay bahagi ng programang Assistance to Repatriated/Distressed OFWs na patuloy na isinasagawa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
 
May 105 indibidwal ang tumanggap ng halagang P5k bilang ayudang pinansyal.
 
Ang proyektong ito ay tulong para sa mga Batangueño OFWs na nawalan ng trabaho o hindi pa agad makaalis ng bansa papunta sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan dulot ng COVID-19 restrictions.
 
Ilan sa mga requirements ay ang termination letter due to COVID-19, proof of loss of employment due to COVID-19, passport with picture at arrival and departure stamp, at active contract o employment offer.
 
Para sa mga nais magpasa ng aplikasyon at may mga katanungan tungkol sa ayuda, maaaring makipag-ugnayan sa PSWDO, sa pamamagitan ng kanilang Facebook page na “@PSWDOBATS”, mag walk-in sa kanilang opisina sa PSWDO Bldg., Capitol Compound, Batangas City, o tumawag sa numerong (043) 723 4024.
 
Sa kasalukuyan, tuloy pa rin ang pagtanggap ng mga aplikante PSWDO para sa nasabing tulong. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas/Batangas PIO)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments