Tagalog News: ‘Infodemic drive’ ng PNP-Palawan, umarangkada na

Namamahagi ng mga babasahin ang mga tauhan ng Municipal Police Station (MPS) Rizal, Palawan sa mga katutubong dumalo sa kanilang isinasagawang 'infodemic drive' kaugnay sa COVID-19. (Larawan mula sa Palawan PPO)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Peb. 1 (PIA) --  Puspusan ngayon ang pagsasagawa ng ‘infodemic drive’ ng Palawan Provincial Police Office (PPO) sa mga nasasakupan nitong munisipyo sa lalawigan.

Ang aktibidad ay bahagi ng pakikiisa ng pulisya sa kampanya ng pamahalaan upang labanan ang pandemya dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Police Colonel Frederick Obar, direktor ng PPO, sa kanilang talaan ay umaabot na ng 286 na barangay sa lalawigan ang naaabot ng kanilang kampanya kontra COVID-19, at hangad nilang masuyod ang lahat ng komunidad na kanilang nasasakupan.

Aniya, habang kanilang ginagampanan ang tungkulin bilang tagapagpatupad ng batas, maiwasan at masolusyunan ang krimen, maigting din ang kanilang isinasagawang pagpapakalat ng tamang impormasyon sa mga pamayanan tungkol sa nakahahawang sakit na nagdudulot ng pandemya.

“May mga materyales tayong ipinamamahagi, katuwang natin diyan ang LGU [local government unit], iyong ating mga pulis mismo ang gumagawa ng plano at hakbang kung paano maipapaunawa sa ating mga kababayan ang tungkol sa nakakahawang COVID-19,”ani Obar.

Samantala, kamakailan ay tinungo ng grupo ng pulisya ang bayan ng Rizal, at katuwang ang lokal na pamahalaan, namahagi ang mga ito ng mga babasahin at naglaan ng oras upang turuan ang mga katutubo ng mga tamang pamamaraan upang makaiwas sa sakit.

Namahagi rin ang mga ito ng mga food pack sa bawat pamilyang dumalo sa pulong-pulong.

Samantala, hindi lamang ang panlalawigang pulisya ang puspusan ang infodemic drive, sapagkat ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ay sinusuyod rin ang mga barangay na nasasakupan nito para sa nasabing gawain. (LBD/PIAMIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments