Tagalog News: Buenavista Municipal Hall sarado sa publiko para sa disinfection

Base sa executive order na inilabas ni Mayor Nancy Madrigal, simula Enero 27 hanggang Enero 29 ay walang isasagawang transaksyon ang Buenavista LGU upang bigyang daan ang disinfection and sanitation procedure sa buong gusali at compound ng munisipyo. (larawan mula sa Buenavista LGU)

BUENAVISTA, Marinduque, Enero 29 (PIA) -- Tatlong araw na sarado ang mga tanggapan sa municipal hall ng Buenavista sa Marinduque para sa gagawing massive disinfection sa lugar.

Ayon sa kalatas pambayan na inilabas ni Mayor Nancy Madrigal, simula Enero 27 hanggang Enero 29 ay walang isasagawang transaksyon ang Buenavista LGU upang bigyang daan ang disinfection and sanitation procedure sa buong gusali at compound ng munisipyo.

Dagdag ng alkalde, kailangang gawin ang nasabing massive disinfection para matiyak na nananatiling ligtas sa panganib ang mga empleyado lalo't higit ang mga mamamayan sa epektong dulot ng COVID-19.

Aniya, maganda ring pagkakataon ito para sa mga medical frontliner at contract tracer na makapagsagawa ng contact tracing sa mga indibidwal na nagkaroon ng close contact sa mga pasyenteng nagpositibo sa coronavirus disease sa kanilang bayan.

Sa datos, nabatid na hanggang 4:00 p.m ng Enero 27, ang bayan ng Buenavista ay nakapagtala ng 37 COVID-19 infections, tatlo sa mga ito ang aktibo pang kaso habang isa ang naitalang namatay dahil sa naturang sakit. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments