Tagalog News: DepEd suportado ang Pangulo sa pagbabawal sa paglabas ng mga kabataan

LUNGSOD CALOOCAN, Peb. 3 (PIA) --Sinuportahan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bawiin ang naunang polisiya na payagan ang mga batang 10-14 na taong gulang na pahintulutang lumabas sa mga nasa lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).

“Noong nag-desisyon na ang Presidente na ipagpaliban muna ‘yong pag-allow ng mga bata na 10-14 years old sa MGCQ areas and provinces kami ay pumapayag, dahil may batas na tayo na nagsasabing ang presidente ang magdedesisyon tungkol sa pagbukas, pagsara ng ating mga programa sa Department of Education on the recommendation of the Department of Education,” ani Kalihim Leonor Magtolis Briones sa Laging Handa press briefing noong Martes.

“Wala kaming problema riyan [o] agam-agam. Naiintindihan namin dahil noong ginawa ang desisyon na ‘yan ‘di pa natin nakita kung gaano ka-seryoso ang threat ng mga pag-develop, paglabas ng mga bagong variants ng COVID-19,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Kalihim Briones ang patuloy na pagpapatupad ng Kagawaran ng academic ease measures upang mabawasan at maibsan ang mental stress ng mga mag-aaral sa kanilang tahanan.

“Ang ginawa natin sa Department of Education ‘yong tinatawag nating academic ease. Pinaluwagan natin ‘yong mga requirements dahil nagbigay ng feedback ang parents at mga bata na naninibago sila sa dami ng mga assignments, so iyon ang ginagawa natin, ‘yong academic ease,” pagbabahagi ni Briones.

Kabilang sa mga hakbang ng academic ease na ipinakilala ng Kagawaran ay ang rekonsiderasyon sa haba ng oras at araw para sa pagkumpleto at pagpapasa ng mga gawain ng mga mag-aaral at ang pagpapalawig ng mental health/socio-emotional well-being support sa mga guro, mag-aaral, at mga magulang sa pamamagitan ng group wellness sessions.

Ibinahagi rin ng Kagawaran ang kanilang kahandaan sa pagpapatupad ng pilot implementation ng limited face-to-face classes sa oras na bumuti ang sitwasyong pangkalusugan sa bansa.

“Kung maayos na natin itong ating health issues, kasi primordial iyong protection ng mga bata, ay puwede na nating i-apply iyong ating binabalak, for example, na pilot studies [of face-to-face classes],” ayon sa Kalihim.

“Binabantayan natin kung ano ang developments hinggil sa COVID at saka ang desisyon ng Presidente tungkol sa pag-protect ng ating mga bata at ng ating mga teachers. So, mahirap magsabi ngayon kasi ang nagdi-determine largely as I said is the state of danger or threat that COVID still poses to our children and to our teachers,” pagbibigay-diin ni Briones

Samantala, binigyang-linaw rin ni Briones na hindi makikibahagi ang mga guro sa aktwal na pagsasagawa ng pagbabakuna. Sa halip, ayon sa kaniya, ang DepEd ay makatutulong sa pagpapabagi ng impormasyon ukol sa programa ng pababakuna ng gobyerno.

“Ang malaking kontribusyon ng mga teachers ay iyong pagpalaganap ng impormasyon hinggil sa vaccine. But even for that, kailangan silang i-brief nang husto, nang maayos ng malaman nila talaga kung ano benefits o ang protection na maibigay ng vaccine sa mga teachers. So more on the educational aspect; wala sa pag-participate in medical procedures because that would really be malpractice,” ani Kalihim. (DepEd/PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments