COVID vaccine registration para sa seniors, isinasagawa sa Antipolo

LUNGSOD NG ANTIPOLO, Rizal, Marso 30 (PIA)-- Maari nang magparehistro ang mga senior citizens ng Lungsod ng Antipolo na nagnanais mabakunahan laban sa COVID-19.

Ayon sa isang pahayag mula sa Official Facebook Page ni Antipolo City Mayor Andrea Ynares, maaring magparehistro online sa http://bit.ly/antipolobantaycovid o sa pamamagitan ng manual registration sa mga barangay.

Inaabusuhan namang magpatulong ang mga senior sa mga anak, apo o kakilala kung hindi gamay ang online registration.

Dahil naman hindi rin maaring lumabas ang senior citizens, maari namang atasan ng mga ito ang mga nakababatang kamag-anak o kakilala para makipag-ugnayan sa barangay vaccine registration help desk.

Maari namang mamili ang mga seniors sa isa sa 18 vaccination centers ng lungsod.

Hihintayin na lang ng mga rehistrado ang pakikipag-ugnayan sa text o tawag mula sa vaccine operations center staff para sa schedule ng bakuna.

Kailangan rin upang makarehistro ang mga Department of Health requirements tulad ng a) Antipolo Senior Citizens' ID o dalawang government-issued ID na nagpapatunay ng edad at address sa Antipolo. b) Philhealth number na nakalagay sa Philhealth ID o membership data record at; c) medical clearance mula sa doktor kung mayroon mang comorbidities tulad ng hypertension, diabetes, asthma, allergies at iba pa.

Paalala rin ng pamahalaang panlungsod na kailangan sundin ang priority list ng DOH kung saan uunahin ang mga medical frontliner, senior citizens at mayroong comorbidities habang inaantay pa ng LGU ang mga binili nitong bakuna para sa ibang mga sektor ngunit maari pa ring magparehistro sa system habang nag-hihintay. (GG/Antipolo City Gov Facebook Page/ Jun-Andeng Ynares Facebook Page)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments