TUGUEGARAO CITY, Cagayan, March 17 (PIA) -- Isang libo't tatlong daang mga pamilyang sinalanta ng mga magkakasunod na bagyo at pagbaha sa lungsod ng Tuguegarao noong nagdaang taon ang binigyan muli ng cash assistance sa ilalim ng Assistance in Crisis Situations program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pinangunahan din ni Senator Bong Go ang pamamahagi ng iba pang tulong para sa mga sinalanta kabilang dito ang mga food packs, bisikleta, wheelchair, tungkod, at sapatos.
Kasabay rin nito ang sampung computer set at sampung tablets mula naman kay Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
Nagdagdag din ang senador ng sampung milyong pondo sa lokal na Malasakit Center para sa mga mahihirapan na pasyente sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Hinikayat din ng ng Senador ang mga mamamayan na makipagtulungan para labanan ang COVID-19.
"Huwag po kayong mag-alala, mga kababayan ko. Parating na po ang bakuna. Inuuna lang po ang mga frontl iners. Isusunod namin ni Pangulong Duterte ang lahat ng mga senior citizen. Isusunod po namin ang lahat ng mga mahihirap para unti-unti na tayong makabalik sa new normal na pamumuhay," wika ng Senador.
Nabiyayaan naman ng tig-tatlong libong piso ang ilang mga medical frontliners ng CVMC na may mabababang sahod.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa walang patid na tulong mula sa pamahalaan. (JCK/OTB/PIA 2-Cagayan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments