GLORIA, Oriental Mindoro, Mar. 31 (PIA) – “Ayaw namin ng karahasan, gusto namin katahimikan, kapayapaan at respeto sa mga kabataan.” Ito ang isinisigaw ng mga kabatang nagsagawa ng peace rally kahapon sa bayan ng Gloria upang kondenahin ang pang-aabuso sa kanila ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) at tahasang ipakita na ayaw nila ng karahasan sa kapwa nila kabataan para sa maling idelohiya laban sa pamahalaan.
Nagkabit ng mga placards na may mga mensahe sa kahabaan ng Nautical Hi-way ang grupo ng Sangguniang Kabataan (SK) at kasapi ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) upang maging boses nila at panawagan sa mga teroristang grupo.
Ayon kay Alex Caganan ng SK Gloria, ginagamit ng grupo ang mga kabataan pati mga katutubong Mangyan sa pamamagitan ng paghikayat na sumapi sa kanilang grupo na ang itinuturo ay labanan ang pamahalaan dahil wala anya umano itong naitutulong sa mamamayan.
Huwag din aniya silang gamitin at samantalahin ang mura nilang edad at kahinahan na sa bandang huli ay sila pa ang ginagawang frontliners sa labanan kontra mga sundalo at kapulisan.
Nanawagan pa si Caganan sa mga rebelde na bumaba na sa kabundukan at tamasahin ang malayang pamumuhay para makatulong sa pamilya, sa taongbayan at pamahalaan.
Bago isinagawa ang pagmamartsa ay nagalay muna sila ng panalangin at pagkatapos kanilang inilagay sa gilid ng kalsada ang mga mensaheng nais nilang iparating sa mga rebeldeng grupo.
Kasabay nito ang paggunita ng mga rebelde sa kanilang ika-52 anibersaryo ng pagkakatatag ng teroristang grupo. (DN/PIA-OrMin)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments