PUERTO PRINCESA, Palawan, Mar. 31 (PIA) – Naglunsad ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng plano kamakailan para sa planong proyekto na Coron-Culion Inter-Island bridge.
Ito ay kasabay ng pagpapasinaya sa unang ika-apat na bahagi ng cruise port and facility na itinayo sa lungsod ng Puerto Princesa na pinangunahan ni DPWH Secretary Mark Villar, kasama sina Department of Transportation Secretary Arthur Tugade at Executive Secretary Salvador Medialdea.
Ang proyektong Coron-Culion bridge ay may kabuoang haba na 20.60 kilometro na kokonekta mula Barangay Bintuan sa bayan ng Coron, patungong Lusong Island hanggang sa Marily Island sa bayan naman ng Culion.
Tinatayang nasa 17.54 kilometro ang kabuoang haba ng tulay na may malaking bentahe sa tourism development zone ng nasabing mga bayan sapagkat hindi lamang ang mga mamamayan dito ang makikinabang sa proyekto kundi maging ang mga turista na bibisita sa nasabing mga destinasyong pang-turista ng lalawigan ng Palawan.
Samantala, ang proyekto ay may kabuoang halaga na mahigit P4.2-bilyon na ilalaan ng pamahalaang nasyunal. (LBD/PIAMIMAROPA)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments