Tagalog News: TF Disiplina binuo ng LGU San Pablo City

Ang mga miyembro ng Task Force Disiplina sa kanilang pag-iikot sa mga iba't ibang barangay sa lungsod ng San Pablo upang ipabatid sa mga residente ng lungsod ang mga nilalaman ng Ordinance No. 112 kabilang ang pagpapatupad ng curfew at quarantine hours; edad ng mga dapat na nalabas; pagbebenta at pag-inom ng alak; mass gatherings; pagsusuot ng face mask at face shield at mga kaukulang fine at penalty sa paglabag. (Photo: CIO San Pablo)

LUNGSOD NG SAN PABLO, Laguna, Marso 4 (PIA) --Binuo kamakailan ni San Pablo City Mayor Loreto Amante ang Task Force (TF) Disiplina upang maipabatid sa mga residente ng lungsod ang nilalaman ng Ordinance No. 112 at mapaigting ang pagpapatupad nito.

Ang Ordinance No. 112 ay ukol sa pagpapatupad ng curfew at quarantine hours; edad ng mga dapat na nalabas; pagbebenta at pag-inom ng alak; mass gatherings; pagsusuot ng face mask at face shield at mga kaukulang fine at penalty sa paglabag.

Ang TF Disiplina ay isang subcommittee ng Local IATF na magtitiyak na masusunod at mapapaigting ang implementasyon ng mga Health and Safety Protocols, Local Ordinances at Executive Orders hinggil sa kasalukuyang pandemya.

Kabilang sa mga tanggapan na bumubuo ng TF Disiplina ang City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), City Health Office (CHO), City Traffic Management Office (CTMO), Philippine National Police (PNP), Philippine Red Cross (PRC), Business Processing and Licensing Office (BPLO), Office of Social Welfare and Development (OSWD) at City Treasurers’ Office (CTO).

Sa loob ng isang linggo, sinimulan noong Marso 1, mag-iikot sa mga iba’t ibang barangay ang mga miyembro ng TF Disiplina upang magbigay muna ng babala  o warning sa mga mahuhuling lumalabag sa mga city ordinances at executive orders na ipinatututupad sa lungsod.

Matapos ang isang linggo, sisimulan na ang panghuhuli sa mga lumalabag at pag-iisyu ng citation ticket, pagpapataw ng multa o parusa na community service.

Magtatalaga rin ng opisina ang pamahalaang lungsod para sa TF Disiplina upang mamonitor ang gagawing “community service” ng mga lumabag sa ordinansa. (CPGonzaga, PIA-4A at ulat mula sa CIO San Pablo)

 

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments