SAN JOSE, Occidental Mindoro, Abr. 2 (PIA) -- Abot sa 177 na mga benepisyaryong-kabahayan sa Sitio Hinango, Barangay Purnaga, Magsaysay, ang nabiyayaan kamakailan ng programang Ang Serbisyo Ihatid Natin (ASIN) ng pamahalaang lokal (LGU) ng nabanggit na munisipalidad.
Ayon kay Punong Bayan Cesar Tria, ang ASIN ay nilikha upang mailapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga pamayanan na lubhang malayo sa poblacion. Paliwanag ng Alkalde, batid niya ang hirap, pagod at gastos ng mga nakatira sa mga liblib na sityo sa tuwing magtutungo sa munisipyo upang maka-avail lamang ng mga tulong mula sa pamahalaan.
Pangunahing serbisyong dinala ng ASIN sa mga pamilya sa Sitio Hinango ang medical mission kabilang na ang pamamahagi ng libreng gamot, libreng konsultasyon at libreng tuli. Nagkaloob din ng libreng binhi ang Municipal Agriculturist Office at check-up sa mga alagang hayop.
“Kasama din ng ASIN ang pagbisita ng Local Registrar para i-rehistro ang mga bagong panganak at makapagbigay ng death certificate sa mga namatayan,” ani Tria. Aniya, may mahalagang bahagi din ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) na tinutukan naman ang pangangailangan ng mga solo parent, Person with Disabilities (PWD) at Senior Citizens (SC).
Bukod sa mga nabanggit na serbisyo, sumama sa nabanggit na gawain ang Commission on Elections (COMELEC) para sa pagpapatala ng mga botante; ang Municipal Police Station na nakipagpulong sa mga residente upang ipaliwanag ang anti-terrorism law at kanilang anti-drug campaign; at, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na direktang nakaugnay ang mga kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sinabi pa ni Mayor Tria na hindi matatapatan ng anumang halaga ng salapi ang saya ng mga residente ng Sitio Hinango, dulot ng programang ASIN. Dagdag ng punong-bayan, marami pang mga kababayan niya sa Magsaysay ang magbebenepisyo sa programa, dahil nakaplano na nilang hatiran din ng mga kaparehong serbisyo ang 41 pang malalayong sityo sa kanilang munisipalidad. (VND/PIA MIMAROPA)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments