SAN JOSE, Occidental Mindoro, Abr. 4 (PIA) -- May dalawang libo't siyam na daan at limang mga magsasaka ng palay ng munisipalidad na ito ang tumanggap kamakailan ng mga voucher para sa kanilang subsidy fertilizer mula sa pamahalaan.
Bahagi ito ng Rice Resiliency Project (RRP) 2 ng Department of Agriculture (DA), na may layong tulungan ang mga magtatanim ng palay na magkaroon ng masaganang ani at sa gayon ay makatulong sa rice sufficiency program ng gobyerno, lalo ngayong panahon ng pandemya.
“Ang mga benepisyaryo ng fertilizer ay mga magsasaka natin na una nang nabigyan ng mga binhi para sa dry season,” ayon kay Romel Calingasan, Municipal Agriculturist ng bayang ito. Aniya, 4,000 bags ng hybrid seeds at 2,105 bags ng certified seeds ang ipinamahagi nila noon sa mga kwalipikadong magsasaka mula sa 17 agricultural barangays ng munisipalidad.
Nilinaw ng opisyal na ang mga binhi at abono ay kaloob ng pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng DA at naging katuwang ang kanilang tanggapan sa pagtukoy ng benepisyaryo at distribusyon ng nasabing mga ayuda.
“Itong vouchers na ito ay ipapalit ng fertilizer sa mga accredited stores ng DA Mimaropa,” ayon pa kay Calingasan. Ilan sa mga tindahang ito ay ang Ideal Marketing, Bagong Lipunan, Sagana Merchandising at Melvian Enterprises, mga agricultural suppliers na nasa loob ng poblacion. Paglilinaw ng Municipal Agriculturist, nakalagay sa voucher ang pangalan ng magsasaka at halaga ng fertilizer na maaring makuha; P3,000 kada ektarya para sa mga nagtanim ng hybrid seeds at P2,000 naman sa inbred seeds.
Kaugnay nito, nakiusap si Calingasan sa mga benepisyaryo na sundin ang patakaran ng DA sa pagkuha ng pataba. Aniya, hindi maaring ipalit ng pera o iba pang gamit sa pagsasaka ang nasabing voucher. “Bawal po ito, batay sa panuntunan ng programa,” giit ng opisyal.
Pinasalamatan naman ni Calingasan ang DA Mimaropa dahil sa patuloy na paghahatid ng tulong sa mga magsasaka ng San Jose, lalo’t higit sa mga naging benepisyaryo ng RRP 2 na, ayon sa opisyal, ay sadyang nangangailangan ng ayuda ng pamahalaan. (VND/PIA Mimaropa)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments