SAN JOSE, Occidental Mindoro, Abr. 4 (PIA) -– Siyam na barangay sa lalawigan ang tatanggap ng P20 milyon bawat isa o kabuuang P180 milyon, bilang mga benepisyaryo ng Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang mga barangay na kinabibilangan ng Balao, Cabacao, San Vicente, Udalo at Wawa ng bayan ng Abra de Ilog, Brgy Purnaga ng Magsaysay, Brgy Harrison at Mananao ng Paluan at Batasan ng bayan ng San Jose, ay ang mga unang kinilala na naisalba ng gobyerno laban sa impluwensya ng Communist Terrorist Group (CTG).
Sa paliwanag ni Voltaire Valdez, Provincial Task Force (PTF)-ELCAC Focal Person, kailangan ng mga benepisyaryong barangay ang mga proyektong pangkaunlaran upang maiangat ang kabuhayan ng mga residente nito at hindi na muli malinlang pa ng CTGs.
Kabilang sa mga proyekto sa barangay na tinitingnang makapaghahatid ng kaunlaran ang farm to market roads, konstruksyon ng paaralan at iba pa.
Sinabi ni PTF-Focal Person Valdez na pangungunahan ng pamahalaang panlalawigan ang implementasyon at monitoring ng programa.
“Itong mga proyekto sa barangay ay isusumite sa PTF-ELCAC, bago dalhin sa Regional Task Force hanggang makarating ito sa NTF-ELCAC at Department of Budget and Management,” ayon pa kay Valdez. Ang NTF-ELCAC at DBM ang magbababa ng pondo sa probinsya para sa aktuwal na pagpapatupad ng programa.
Sa kasalukuyan, dagdag ni Valdez, patuloy ang kanilang ugnayan sa mga munisipyo at benepisyaryong barangay para sa pagtukoy ng mga proyekto sa ilalim ng BDP.
“Nagsasagawa tayo ng mga pagpupulong kasama ang Provincial Engineering Office at iba pang tanggapan na maaring makatulong sa pagbuo ng mga dokumento para sa BDP,” ani Valdez. Aniya, napakakahalaga ng mga mungkahi mula sa barangay dahil higit nilang nauunawaan ang pangangailangan ng mga ito.
“Nakikita namin na malaki ang maitutulong ng BDP upang tuluyang magwakas ang problema sa insurhensya ng lalawigan at maging ng buong bansa,” pagtatapos ni Valdez. (VND/PIA Mimaropa)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments