LUNGSOD PASIG, Abril 3 (PIA) -- Mahigit 300,000 frontline workers na ang nabigyang serbisyo ng ‘Libreng Sakay’ ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Mula Marso ng nakaraang taon, hanggang Marso 2021 ay may 328,031 na mga pasahero ang naihatid sa kani-kanilang trabaho at tahanan gamit ang mga Pasig Community Bus.
Ang libreng sakay program ay paraan ng lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga healthcare at frontline workers, pati na rin ang mga kawani ng City Hall, sa panahon na limitado ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan dahil sa mataas na bilang ng COVID-19 infection.
Nauna nang nag-develop ng isang microsite ang Pasig City kung saan makikita ang mga schedule at rota ng shuttle service.
Sa microsite rin makikita ang mga pinakahuling announcement at advisory mula sa lokal na pamahalaan at mga operator.
Laman din ng microsite ang tamang paggamit ng bike lanes, pati na rin ang pinakamalapit na lokasyon ng mga bike rack kung saan maaaring iparada ang mga bisekleta.
Bukod sa website, maaari rin gamitin ang sakay.ph upang ma-track ang ekasktong lokasyon ng mga shuttle na kabilang sa naturang programa.
Nangako naman ang pamahalaang lungsod na patuloy ang pagbiyahe ng ‘Libreng Sakay’ upang mapaglingkuran ang mga nangangailangan ng transportasyon.
Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat ang pamahalaang lungsod sa kanilang mga partners na Meralco, One Meralco Foundation, at eSakay sa pagkamit ng Excellence Award para sa Libreng Sakay sa ginanap na Quill Awards kamakailan. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments