LUNGSOD PASIG, Abril 29 (PIA) -- Ilang frontline personnel ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nag donate ng convalescent plasma matapos gumaling sa sakit na COVID-19.
Ayon sa PCG, layunin ng inisyatibong ito na hikayatin ang iba pang mga fully recovered PCG frontline personnel na tumulong sa pagpaparami ng suplay ng convalescent plasma sa bansa dahil na rin sa taglay nitong ‘antibodies’ na kayang i-neutralize ang nakakahawang virus.
Napatunayan na kapag gumaling sa COVID-19, ang pagdo-donate ng blood plasma ay posibleng makatulong sa hanggang apat na iba pang taong nakakaranas ng karamdamang ito.
Ang mga antibody ng mga pasyenteng ganap nang gumaling mula sa COVID-19 ay maaaring makatulong sa paglaban sa impeksyon sa mga taong nagdurusa pa rin sa ganitong sakit. Ang tanging mapagkukunan ng mga antibody na ito ay ang blood plasma ng mga survivor ng coronavirus.
Ang pagbibigay ng blood plasma sa isang pasyenteng may COVID-19 mula sa isang taong gumaling na mula rito ay maaaring makatulong sa mas mabilis na paggaling ng taong may sakit.
Kaugnay nito, ang mga puwedeng mag-donate ng COVID-19 plasma ay ang mga sumusunod:
- Isang taong nagkaroon ng pagsusuri na nagpakita ng coronavirus na impeksyon;
- Mabuti na ang pakiramdam sa loob ng hindi bababa sa 14 na araw; at
- Papasa sa mga karaniwang panuntunan para sa pagdo-donate ng dugo.
May ilang blood center naman na mangangailangan ng negatibong swab test, at posibleng may iba pang ipinatutupad na panuntunan.
Samantala, patuloy din ang coast guard sa kanilang blood donation drive upang makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng blood transfusion sa gitna ng pandemya. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments