Tagalog News: Bilang ng mga nagpapabakunang senior citizen sa Tuguegarao City, tumataas

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, May 31 (PIA) -- Tumaas na ang bilang ng mga senior citizen o mga nasa A2 priority na nagpapabakuna sa lungsod na ito matapos ang matiyagang paghihikayat na sila ay mabakunahan na para sa kanilang proteksiyon. 

Mayor Jefferson Soriano urges agencies to implement the 10-percent workforce scheme to help eliminate surging COVID-19 cases in the city. (PIA)

Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, marami nang nagboboluntaryong magtungo sa mga vaccination center sa iba't-ibang barangay kaya marami na ang nabakunahan. 

Gayunpaman, hamon pa rin ang kakulangan ng bakuna na naibababa sa lungsod dahil kakaunti pa lamang ang mga nabakunahan na sa mga nasa susunod na prayoridad o may mga comorbidity. 

"Tuloy-tuloy ang ating pagbabakuna. Sana may darating pang bakuna sa ating siyudad para mas marami pa lalo ang mabigyan ng proteksiyon laban sa COVID-19," pahayag ng alkalde. 

Bumuo rin ang vaccination team ng lungsod ng isang grupo na siyang magsasagawa ng house-to-house vaccination para naman sa mga senior citizen at iba pang eligible na mabakunahan na hindi na kayang pumunta pa sa vaccination area.

Samanatala, hiniling ni Soriano sa mga ahensiya ng gobyerno na kung maari ay ipatupad muna ang 10 percent workforce scheme ngayong linggo upang maibaba ang kaso ng COVID-19 sa lungsod matapos muling tumaas sa mahigit pitong daan ang aktibong kaso. 

Kapansin-pansin aniya na malaki ang bilang ng mga nagpopositibo na nagmumula sa mga ahensiya ng gobyerno kung kaya kailangan din makipagtulungan ang mga ito upang maibaba ang kaso sa lungsod. (JCK/OTB/PIA-Cagayan) 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments