LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 30 (PIA) -- Paiimbestigahan ni Senator Win Gatchalian sa Senado ang mga naglipanang loan sharks at online lending schemes ng mga kumpanyang hindi sakop ng regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Securities and Exchange Commission (SEC).
Ang naturang hakbang, ayon kay Gatchalian, ay upang pag-aralan ang mga posibleng panukalang batas na magpapaigting sa mga polisiyang ipinapatupad ng mga ahensya ng gobyerno. Ang kakulangang ito ang maaring dahilan ng pagdami ng online cash loan services ng samu’t saring hindi lisensyadong nagpapautang, dagdag ng senador.
Dapat din aniya na paulit-ulit na ipanawagan ng BSP sa publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga ganitong klaseng pagpapautang.
“Dahil sa marahas na pamamaraan nila ng paniningil, may mga biktimang nabalitang nag-suicide at marami na rin umano ang nakararanas ng death threats,” sabi ni Gatchalian, Vice Chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies.
“Magsilbing aral din sana ito sa mga naghahanap ng mapag-uutangan nang mabilis. Dapat marunong silang kumilatis kung kaduda-duda ang pamamaraan ng pagpapautang ng isang kumpanya,” dagdag pa ni Gatchalian.
Sinabi rin ni Gatchalian na patuloy na dinadagsa ng reklamo ang kanyang opisina ng mga biktima ng mga online lending companies at lending apps at karamihan sa kanila ay nakaranas ng matinding pananakot, bantang pananakit at panghihiya mula sa mga debt collectors.
Napabalita noong Disyembre ang pagbawi ng SEC ng certificate of authority ng kumpanyang Super Cash Lending Corp. matapos na mapatunayan na hindi makatarungan ang paraan ng paniningil nito samantalang inirekomenda naman ng National Privacy Commission (NPC) noong Pebrero ang pagsampa ng kaso laban sa Fynamics Lending Inc., ang kumpanya ng PondoPeso online lending app, dahil sa pangha-harass at panghihiya sa mga hindi nakakabayad ng utang. Ang naturang kumpanya ay napatunayan ding lumabag sa data privacy law.
Nauna nang ipinanukala ni Gatchalian ang pagsasabatas ng Fair Debt Collection Practices Act sa Senado. Sa ilalim nitong Senate Bill No. 1366, ipinagbabawal sa mga debt collectors ang pangha-harass o pagbabanta sa taong nangutang at sa kanyang pamilya.
Bawal din ang anumang paraan ng panghihiya o paninira ng reputasyon o pagkatao ng nangutang o pananakot na ipapa-aresto, ikukulong o kukumpiskahin ang mga ari-arian. Ipinagbabawal din ang pag-access sa mga personal na impormasyon ng taong nangutang kung wala itong pahintulot. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments