LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 30 (PIA) -- May bagong COVID-19 vaccination site ang bubuksan ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan para maserbisyuhan ang higit na nakararaming mamamayan ng lungsod.
"Bilang paghahanda sa nalalapit na pagbabakuna sa mga A4 priority list ay nagkaroon tayo ng ocular inspection sa isa na namang bagong vaccination site ng San Juan," ayon kay Mayor Francis Zamora sa kanyang Facebook Page.
"Gaya ng ating naunang mga pahayag tungkol sa A4 priority list ay pareho po nating babakunahan ang mga residente ng San Juan na nagtatrabaho sa San Juan o iba mang lugar, ganun din kahit hindi residente ng San Juan basta nagtatrabaho sa San Juan," dagdag pa ni Mayor Francis.
Ani Zamora, ang Theatre Mall Cinemas 1 and 2 sa Greenhills Shopping Center ang napili nilang bagong vaccination site dahil ang Greenhills ang pinaka-sentrong commercial and business district ng lungsod kung saan nandoon ang maraming nagtatrabaho sa ibat-ibang establisyemento at kumpanya.
"Ekslusibo rin po nating itatalaga ang Theatre Mall Cinemas 1 and 2 ng Greenhills para sa mga A4 na hindi residente ngunit nagtatrabaho sa San Juan. Ginawa po nating ganito para mas maging maayos po ang ating pagbabakuna," ayon sa alkalde.
"Sandaling panahon na lang ay bubuksan na natin ito kung saan tayo ay magpapanimulang magbakuna ng mga 1,000 katao kada araw hanggang maitaas natin unti unti ang bilang," dagdag pa niya.
Nagpahayag din si Zamora ng lubos na pasasalamat sa pamunuan ng Greenhills Shopping Center, sa pangunguna nila Arch. Renee Bacani, VP of Ortigas Land Corp., James Candelaria, Head of Market Operations, Paolo Mendoza, VP of Music Museum Group Inc. dahil sa kanilang suporta at pakikiisa sa ating vaccination program sa San Juan.
Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na nagdagdag sila ng mekanismo sa kanilang COVID-19 Registration Portal kung saan ay kinakailangang piliin at ideklara ng sinumang magrerehistro kung sila ay A4 resident o non-resident.
I-click lamang itong link sa mga A4 na gustong magparehistro: http://bit.ly/39Bi7ri
Para naman masigurong pumasok na sa system ang inyong pangalan, gamitin ang ating search engine sa link na ito: https://bit.ly/3d5ZThQ (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments