Tagalog News:  Mga isyu sa pagsasaka, naging paksa sa sectoral forum

Ipinahahayag ni Petronilo Dimailig ang mga isyu o problema sa hanay ng mga magsasaka sa isinagawang Mimaropa Regional Conference on Peace and Development sa Activity Center ng Mindoro State University (Calapan City Campus), Calapan City, Oriental Mindoro noong Mayo 6.  (Kuhang larawan ni Luis T. Cueto/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Mayo 9 (PIA) -- Sa isinagawang Regional Conference on Peace and Development (RCPD) sa Mindoro State University (MinSU) kahapon, ipinahayag ni Peronilo Dimailig, magsasaka at dating Provincial Agriculturist ng lalawigan at tumatayong Officer for Provincial Agriculture and Fishery Council  ng Department of Agriculture (DA) ang mga isyu o problemang kinakaharap ngayon ng mga magsasaka sa lalawigan.

Isa sa nais niyang bigyang-pansin ay ang promosyon ng organic agriculture sa mga urban area sa lalawigan sapagkat aniya, malaking tulong ito para sa kapakanan at kalusugan ng mga mamamayan.

“Malaking problema itong promotion ng organic farming sa mga urban area sapagkat kulang sa impormasyon at educational campaign on organic agriculture for health consciousness ng pamilya.  Gayundin, kulang ang organic inputs at allocation para sa magsasaka na kailangang aksyunan ng gobyerno,” ayon kay Dimailig.

Hinihikayat ni Dimailig ang mga magsasaka na gamitin ang mga materyal na nasa kapaligiran tulad ng mga nabubulok na dayami na aniya ay malaking tulong sa usaping organikong pagsasaka.  Ito aniya ay dapat pagtuunan ng pansin ng mga magsasaka.

Bilang rekomendasyon dito at para na rin mabigyang-pansin sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, sinabi ni Dimailig na kinakailangang maglaan ng mga extension worker na naka-focus sa organikong pagsasaka sa mga urban area dahil aniya ay kulang ang mga technician sa iba’t ibang bayan upang tumutok sa ganitong sistema ng pagsasaka.

Isa pang nakita sa isinagawang pag-uusap ng sektor ng mga magsasaka bago pa ang ginanap na RCPD ay ang pamamahagi ng vegetable seeds.  Ayon kay Dimailig, matagal na dapat na-distribute ang mga binhing gulay subalit ang mga ito ay hindi kaagad naibigay kung kaya’t karamihan sa mga butong pananim ay na-expire na at hindi tumubo kung itanim man.

Ang kalidad ng mga butong pananim ay isa rin sa binigyang-diin ni Dimailig upang maging maganda ang ani ng mga magsasaka sa pagtatanim ng gulay sa kanilang mga bakuran, partikular sa mga urban area.  Mahalaga rin aniya ang subsidiya ng gobyerno tungkol sa organic farming. 

“Kinakailangan dito ay may organic certification o accreditation ng gobyerno para maka-establish ng seed production sa bawat munisipyo o barangay sapagkat ang mga government agency ay nahihirapan na ring mag-procure ng mga binhing pananim gayundin ang pag-distribute sa mga magsasaka.  Dapat sana ay may alokasyon ang gobyerno para sa seeds for public use intended for organic agriculture,” pahayag ni Dimailig.

Natukoy din sa pagpupulong ng sektor ng magsasaka ang problema sa marketing.  Anila, walang specific market para sa kanilang mga ani kung kaya’t rekomendasyon ng kanilang grupo ang magkaroon ng trading post o center para sa mga ani ng mga magsasaka para sa marketing ng kanilang mga produkto.  Nakita rin doon na dapat palakasin ang mga organisasyon upang maging mabilis ang proseso sa pagkuha ng mga ayuda mula sa gobyerno.

Sa ipinakitang presentasyon ni Dimailig sa sectoral forum, nirekomenda niya na dapat ay magkaroon ng clustering para sa mga magsasaka partikular sa kanilang mga produkto.

“Kailangan natin ang sistema dito.  Kailangan ng clustering ng mga commodities.  Halimbawa, kung ang isang barangay ay nagtanim ng talong, dapat sa ibang barangay ay iba naman.  Hindi yong kung talong ang itinanim ng isa ay talong na lahat o kaya’y sitaw.  Dapat may sistema tayo dito para iba-iba ang dating at makilala ang lugar sa ganitong sistema.  Kaya nga nandito tayo para sa unification ng ating mga sector upang umangat tayo sa ating sektor ng pagsasaka,” paglilinaw ni Dimailig.

Samantala, binigyang-diin ni Dimailig ang pagpapalakas ng mga samahan o organisasyon ng mga magsasaka dahil aniya ito ay isang paraan upang mas maging produktibo ang mga myembro.  Aniya, ibibigay ng gobyerno ang mga tamang kasanayan upang hindi na pumunta sa mga commercial rice trader lalo’t sa paggamit ng mga facility na kung saan ang mga pribadong rice trader ay kumpleto sa mga kagamitan tulad ng post-harvest facilities, mga makinaryo at iba pa.

Huling binanggit ni Dimailig sa kanyang presentasyon na nais din niyang maipaabot sa gobyerno ay ang masyadong taas ng cost of production sa bahagi ng mga magsasaka na kung saan madalas na lugi pa ang magsasaka sa kanilang kinikita sapagkat mas mura ang halaga ng kanilang mga produkto kapag binibili ng mga trader.

Bilang hiling ng mga magsasaka, sana anila ay magkaroon ng mabilisang monitoring ang gobyerno para sa ancestral land conversion upang magamit ang mga lupang dapat ay sila ang nakikinabang.  (LTC/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments