Tagalog News: Payo ni Roque sa senior citizens: Manatili sa bahay kahit nabakunahan na

Lolo at lola na nabakunahan na pinayuhan ni Presidential Spokesperson Harry Roque na manatili sa loob ng bahay kung maaari habang hindi pa nababakunahan ang 70% ng ating populasyon. (Photo from file)

LUNGSOD NG QUEZON,  Hunyo 1 (PIA) -- Binigyang diin ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang press briefing kahapon, Mayo 31  na bagaman hindi binabawalan ang mga senior citizens na lumabas kung kinakailangan, mas mainam aniya na manatili muna sa mga bahay hangga’t wala pang “population protection.”

“Puwede po silang lumabas para bilhin iyong mga kinakailangan nila; kung kinakailangang pumunta ng mall para dito eh pinapayagan naman sila. Pangalawa, pinapayagan silang mag-exercise dahil importante naman talaga ang exercise para sa health promotions dahil kinakailangan manatiling malusog laban sa COVID-19,” ayon sa Kalihim.

Ngunit para sa mga nabakunahan na, mahigpit na ipinapayo ni Roque na hindi garantiya ang pagkakaroon ng bakuna upang tuluyang makaiwas sa pagkahawa ng Covid-19.

“It is a guarantee na siguro hindi kayo magkakasakit nang malala o hindi kayo mamamatay pero iba po ang kondisyon ng mga seniors – they are especially vulnerable,” paliwanag ni Roque.

Dagdag ng kalihim, ang “epekto ng bakuna sa isang malusog na kabataan ay hindi po kapareho sa isang matanda.”

Upang makasiguro, payo niya na “hanggang wala pa pong population protection, habang hindi pa natin nababakunahan ang 70% ng ating populasyon, stay at home muna po ang mga lolo at lola.” (MTQ/PIA-IDPD)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments