TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Hunyo 5 (PIA) - - - Binigyang diin ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Regional Director Edward Cabase na ang Service Contracting Program ay hindi matatapos hangga't may mga driver na nangangailangan.
Ito ang kanyang binanggit sa isinagawang oryentasyon ng Service Contracting Program at contract signing sa pagitan ng LTFRB kasama ang PIU-PUVMP Team at mga rehistradong drivers sa Cabarroguis, Quirino noong Hunyo 1.
“Hindi matatapos ang service contracting hanggang kailangan ng ating mga drivers at operators. At huwag palampasin ang oportunidad na makapagrehistro sa service contracting program," ani Cabase.
Hinihikayat ni Cabase ang mga drayber at operator na lumahok sa ganitong programa ng gobyerno. Sa ilalim ng programa, ang mga kwalipikado na drayber ay dapat nagmamaneho ng awtorisadong unit na tumatakbo sa mga nabuksan nang ruta ngayong quarantine; may valid na Professional Driver's License; roadworthy na PUV unit; at hindi nasangkot sa kahit anong fatal accident o nagdulot ng aksidente sa loob ng nakaraang dalawang taon.
Dagdag ni Cabase na patuloy pa ring magaganap sa iba’t ibang parte ng rehiyon ang oryentasyon ng Service Contracting Program at contract signing upang mas marami pang mga driver at operator ang mabenepisyuhan ng naturang programa ng pamahalaan.
Ang Service Contracting Program ay alinsunod sa Republic Act No. 11494, o mas kilala bilang Bayanihan to Recover As One Act. Inilunsad ang Service Contracting Program upang makatulong sa mga drayber na lubhang naapektuhan ang kabuhayan dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Layon din ng programa na mapabuti ang kakayahan ng ating pampublikong transportasyon na makapagbigay ng dekalidad at ligtas na serbisyo sa mga pasahero nito. Bukod pa rito, ang Service Contracting Program ay magbibigay ng libreng sakay sa ating mga healthcare frontliners na patuloy na lumalaban sa COVID-19. (MDCT/PIA-2)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments