Tagalog News: MMCHD inanunsyo ang pagbaba ng COVID-19 cases sa NCR

MMCHD Assistant Regional Director Ma. Paz P. Corrales sa panayam ng Net25. (Screengrab)

LUNGSOD CALOOCAN, Hunyo 6 (PIA) -- Ibinalita ng Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes ang pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Inanunsyo ni MMCHD Assistant Regional Director Ma. Paz P. Corrales sa programang Balitalakayan ng NET 25 Channel na bumababa na ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 kasabay nito ang pagtaas ng bilang ng mga nabakunahan sa Metro Manila.

Sa kabila nito, sa tala ng DOH, nangunguna pa rin ang Quezon City sa dami ng bilang na may 103,371 COVID-19 cases, kasunod ang Lungsod Maynila na may 63,830 cases at ang Caloocan City na may 37,388 cases as of June 2, 2021.

Umabot din sa 6,362 ang kaso ng COVID-19 sa NCR mula May 27 hanggang June 2, 6,362, kumpara sa 7,097 na kaso mula May 20 hanggang May 26, 2021.

Kasabay nito, hinihikayat ni Corrales ang taong bayan na tumanggap ng bakuna kontra COVID-19.

“Libre ang bakuna at walang sinisingil ang gobyerno at bawal po maningil kaya dapat samantalahin ng mga kababayan,” aniya.

Patuloy pa rin ang pagkumbinsi sa taong bayan na magparehistro at magpabakuna sa kanilang pinakamalapit na vaccination site at para sa mga walang kakayahan na magrehistro online, maaaring pumunta sa kanilang barangay para magpalista.

Muli, nilahad ni ARD Corrales na patuloy silang nagpapakalat ng tamang impormasyon tungkol sa COVID-19 Virus sa pamamagitan ng mga LED billboards, pakikipag-ugnayan sa media at patuloy na paghikayat sa taong bayan na magpabakuna.

Dagdag pa dito, magkakaroon ng symbolic activity na gaganapin sa lungsod ng Pasay sa Lunes, June 7 para sa A4 priority group.

“Ang bakuna ay para sa buong community upang makarecover economically,” pahayag pa ng opisyal.

Pinaalalahan din niya ang publiko na ugaliin pa rin ang pagsunod sa minimum public health standards kahit kumpleto na sa bakuna para makamit ang mass protection. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments