Tagalog News: Lungsod ng Antipolo may bagong PCR machine at test kits

Kasama ni Antipolo City Mayor Andrea Ynares at City Health Officer Dr. Concepcion Lat na ipinapakita ang bagong mga kagamitan ng Pamahalaang Panlungsod ng Antipolo tulad ng PCR machine. (Larawan mula sa Jun-Andeng Ynares Official Facebook Page)

LUNGSOD NG ANTIPOLO, Rizal, Mayo 1 (PIA)-- Inanunsyo ni Antipolo City Mayor Andrea Ynares na kasabay ng delivery ng karagdagang test kit ang bagong Polymerase Chain Reaction machine.
 
"Hindi na natin kailangan mag hatid ng specimen at mag antay ng mahigit isang linggo sa RITM at Lung Center para malaman ang resulta ng ating mga PCR test kits," ayon sa alkalde.
 
Dagdag ni Mayor Ynares na dahil libre at walang bayad, mahaba ang pila at matagal bago makuha ang resulta sa mga nasabing public hospitals. Mayroon umanong mga pagkakatong yumao na ang pasyente pero hindi pa lumalabas ang resulta ng tests.
 
Kaya naman bago dumating ang sariling kagamitan ay nakipag-kontrata ang pamahalaang panlungsod sa mga pribadong ospitals na may bayad tulad ng The Medical City sa Pasig, Chinese General Hospital sa Manila at Detoxicare sa Mandaluyong.
 
Sa pamamagitan ng bagong PCR machine ay mapapabilis ang pagtukoy sa COVID-positive cases at makakagawa ng karampatang aksyon tulad ng contract tracing, detection, isolation at treatment sa mga ito.
 
Dagdag pa ni Mayor Ynares na tulad ng pagbubukas ng libreng crematorium services sa 13 na bayan sa Rizal, bukas rin ang Lungsod para sa paggamit ng PCR machine sa lahat ng mga karatig-bayan sa lalawigan.
 
" Dalhin niyo lang ang specimen collected mula sa inyong bayan sa aming designated DOH accredited laboratory. Kayang-kaya basta sama-sama!," aniya. (PIA Rizal may ulat mula sa Jun-Andeng Ynares Facebook Page)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments