LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Mayo 19 (PIA) -- Natapos nang ipamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan ang financial assistance na Social Amelioration Program (SAP) para sa 23,539 na miyembro ng pamilya para sa kabuuang P117,695,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Mayo 8.
Sa ulat ni City Mayor Arnan C. Panaligan, “Unang pondo na inilabas ng DSWD noong Abril 8 ay nakalaan para sa 23,254 na pamilya na nagkakahalaga ng P116,270,000, ngunit hindi pa ito sapat kaya muli kaming humiling ng karagdagang pondo at ang naipagkaloob lamang ay para sa 285 na pamilya na P1,425,000 at ito ay aming ipinasalamat ng malaki sa pamahalaang nasyunal.”
Matapos nito agad isinumite ng pamahalaang lokal ang ulat sa DSWD noong Mayo 13.
Samantala, pinasalamatan ni Panaligan ang partisipasyon ng ilang kawani ng City Social Welfare and Development Department (CSWDD), City Treasury Department, City Accounting and Internal Audit Department, City Information Office at Sangguniang Panlungsod Information Office, City General Services Department, Philippine National Police at opisyales ng 62 barangay sa malaking ambag na suporta at panahon sa matagumpay na pamamahagi ng SAP sa mga residente. (DPCN/PIA-OrMin)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments