BUTUAN CITY, May 4 (PIA) -- Namahagi ng mga ambulansya ang Department of Health (DOH) Caraga sa iba’t-ibang health facilities at ospital sa Caraga region.
Siyam na Rural Health Units (RHUs), city health office, at city and provincial hospitals sa rehiyon ang nabigyan ng tig iisang unit ng ambulance. Dalawang unit ang natanggap ng probinsya ng Agusan del Norte na ipinamahagi sa Las Nieves Municipal Hospital at city health office ng Cabadbaran City. Dalawang unit din ang natanggap ng probinsya ng Agusan del Sur na ipinamahagi sa mga RHUs sa munisipyo ng San Luis at Trento.
Tatlong units naman ang naibigay sa probinsya ng Surigao del Norte na ipinamahagi sa kanilang provincial hospital at sa RHUs sa munisipyo ng Claver at Malimono. Nakatanggap din ang probinsya ng Surigao del Norte ng isang unit na ibinigay sa RHU sa Cortes at isa naman sa lungsod ng Butuan na inalaan sa Butuan Medical Center.
Sa isang virtual interview kasama si DOH Caraga regional director Dr. Jose Llacuna, Jr., ibinahagi niya na ang mga ambulansya ay nakatakda nang ilaan sa departamento matapos ang bidding na isinagawa noong nakaraang taon. Gayunpaman, maigi na din na naipamahagi ito ngayon upang may magamit ang mga health facilities, lalo na ang mga RHUs na nagsisilbing access ng mga residente sa malalayong lugar sa mga pangunahing health care services.
“Makakatulong ang mga ambulance units sa pagpabuti ng health response sa rehiyon, lalo pa’t may health crisis na hinaharap ang buong bansa ngayon,” ani ni Dr. Llacuna.
Kasalukuyang inaantay ng ahensyang pangkalusugan ang 16 pa na mga ambulance units. (DMR/PIACaraga)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments