DOT-NCR naglabas ng gabay para sa mga Filipinong magbabalik sa bansa

Photo courtesy of DOT NCR FB.

 

LUNGSOD PASIG, Hunyo 23 (PIA) –- Naglabas ang Department of Tourism_national Capital Region ng gabay para sa Filipinong magbabalik sa bansa.

Ang  mga sumusunod ay ang step-by-step na sistema na ipinatutupad sa One-Stop-Shop sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Una, mag register online sa https://ift.tt/3erjZ5F o i-scan ang QR code. Huwag kalimutang i-upload ang picture ng bio page ng inyong passport.

Matapos mag register, hintayin ang matatanggap na confirmation email at QR code.. I-save sa inyong mobile phone ang QR code o maaari rin itong i-print.

Pagdating sa paliparan sa Pilipinas, magkakaroon ng briefing para sa simpleng prosesong daraanan.

Pumunta sa Verification Counter matapos ang briefing at ipakita ang inyong QR code. Sa verification counter ay bibigyan kayo ng anim (6) na barcode stickers at idikit ang isang barcode sticker sa inyong passport.

Ang susunod na hakbang naman ay ang swab testing kung saan kayo ay papupuntahin sa isang Testing Booth para ma-swab test. Dito, ibigay ang natitirang limang (5) barcode stickers sa swabber o sa kukuha ng swab sample.

Dumeretso sa immigration counter matapos ang swab testing at ipakita ang passport pati ang barcode sticker.

Para naman malaman ang Quarantine Center o Facility Assignment, pumunta sa mga sumusunod na desk, kung ikaw ay OFW magtungo sa OWWA desk; kung Seafarer naman na may Local Manning Agency ay sa LMA desk; at sa DOT desk naman kung non-OFW Returning Filipino.

Hintayin ang resulta sa pamamagitan ng text at email sa loob ng 72 oras.

Para sa katanungan at iba pang impormasyon, maaaring tumawag Help Line numbers 1158 o 143. (DOT NCR/PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments