PINAMALAYAN, Oriental Mindoro, Agosto 9 (PIA) -- “Kung hindi nila kayang pumunta sa klinika sa bayan para magpakonsulta sa doktor, ang doktor at ang klinika ang siya nating dadalhin sa kanila.” Ito ang naging pahayag ni Mayor Aristeo A. Baldos, Jr., makaraang dumating kamakailan ang bagong mobile clinic upang bigyan ng serbisyong medikal ang mga mamamayan sa barangay.
Ayon sa alkalde, ang pagkakaroon ng isang mobile clinic ay pagsasakatuparan ng pamahalaang lokal upang mailapit sa taongbayan ang kailangang atensiyong-medikal lalo na ang mga nasa malalayong barangay na ang ilan sa kanila ay hindi makapunta sa bayan upang ipakonsulta ang kanilang karamdaman.
Ang nasabing mobile clinic ay mayroong makinang pang-X-ray, dental chair para sa mga magpapatingin ng kanilang mga ngipin at check-up operation table.
Inatasan ni Baldos ang Rural Health Unit na magsagawa ng palagiang medical mission sa lahat ng barangay dahil naniniwala siya na ang maayos na kalusugan ay karapatan ng bawat Pinamaleňo. Malaking tulong din aniya ito sa kasalukuyang panahon ng pandemya upang mas lalong matutukan ang kalusugan ng bawat isa.
Nagpasalamat din ang punong ehekutibo sa mga mamamayan dahil sa patuloy na pagbabayad ng tamang buwis na siya kaya't nakikita din nila kung saang proyekto ito inilalaan ng pamahalaang bayan. (DPCN/PIA-OrMin)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments