Tagalog News: Libong mag-aaral, makikinabang sa libreng gadgets ng Lungsod ng Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS, Agosto 24 (PIA)--Pormal na isinagawa ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang turn over ng mga gadgets at school supplies sa Department of Education Schools Division of Batangas noong ika-19 ng Agosto.
 
Pinangunahan nina 5th District Representative Marvey Marino at Mayor Beverley Rose Dimacuha ang ceremonial turn over kay DepEd Superintendent Dr. Zaldy Bolanos na siyang mamamahala sa pamamahagi sa may 2,300 guro at school heads na tatanggap ng laptops at 25,000 junior at senior high school students sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
 
Kasama ding ipinamahagi ang mga bags at envelopes na naglalaman ng school supplies tulad ng notebook, papel, lapis at ballpen para sa mga mag-aaral sa una hanggang anim na baitang.
 
Ayon kay Bolanos, nagmula sa special education fund ng Local School Board(LSB) ang pondong ginamit para sa naturang proyekto.
 
Aniya, wala nang dahilan upang hindi makapag-aral ang mga kabataan sapagkat magkatuwang na ginagampanan ng pamahalaang lungsod at DepEd ang pagtugon sa kanilang pangangailangan.
 
Batay sa DepEd Order 007 s. 2020, magbubukas ang klase sa mga pampublikong paaralan sa darating na Oktubre 5, 2020 kung saan hindi ito magiging face-to-face upang pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga bata habang wala pang bakuna laban sa COVID-19.
 
Ang mga gadgets at kagamitang pang-eskwela ay isang malaking tulong para sa mga kabataan lalo’t higit sa mga magulang na walang kakayahang bumili ng mga ito na siyang gagamitin sa online learning. Halos lahat ay naapektuhan ng pandemya lalo na ang hanapbuhay ng karamihan.
 
Samantala, ang mga paaralan na ang mamamahagi ng mga nabanggit na gamit sa kanilang mga guro at mag-aaral. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments