60-day Pag-IBIG loan grace period aprubado sa ilalim ng 'Bayanihan 2' 

LUNGSOD CALOOCAN, Set. 5 (PIA) -- Masayang ibinalita nitong Biyernes ni Pag-IBIG Fund Chief and Executive Officer Acmad Rizaldy Moti na magkakaroon muli ng 60-day grace period para sa pagbabayad ng utang sa ahensya kapag naisabatas na ang Bayanihan to Recover as One Act, o ang "Bayanihan 2."

“Sa pag-apruba ng pangalawang Bayanihan Law ay magkakaroon [muli] ng dalawang buwang grace period para sa mga miyembro nating may loan," ani Moti sa panayam sa programang Laging Handa PH Public Briefing. 

"Sa kabuuan ay okay pa naman ang ating mga miyembro at may iilan lang na hindi nakakapagbayad religiously pero andito ang Pag-IBIG Fund na patuloy na naghahanap ng pamamaraan para matulungan sila,” aniya.

Sinabi ng opisyal na sa pag-apruba ng unang Bayanihan Law noong Marso ay nagbigay ng grace period ang ahensya nang mahigit kumulang na dalawang buwan at kalahati para sa mga may loan.

"At mayroong mahigit 4.7 million na miyembro na may loan ang natulungan ng grace period na ito," aniya.

Dagdag pa niya, kabilang sa mga paraan na ginawa ng ahensya ay ang three month moratorium program kung saan mayroong 300,000 na miyembro ng Pag-IBIG ang nakapag avail nito.

“Para naman sa borrower’s penalty ay nag-e-extend ang Pag-IBIG Fund ng remediation period sa mga miyembro na nawalan ng trabaho at may housing loan. Magkakaroon ng palugit ng isang taon para makabawi at makabangon ang mga miyembro sa pagbabayad ng kanilang housing loan. Ang penalty policy ng Pag-IBIG Fund ay kung ano lang ang hindi nabayarang kaukulang hulog ay iyon lamang ang papatawan ng 18% penalty," aniya.

"Para naman sa mga miyembro na maayos nakakapagbayad ng housing loan bago pa mag karoon ng lockdown ay meron tayong gagawing programa para din makatulong tayo sa kanila,“ paliwanag ni Moti.

“Para naman sa mga gustong mag-avail ng housing loan sa ngayon ay mayroon tayong promo [interest] rate na 4.985% na pinakamababa na sa ngayon at tatakbo ito hanggang Disyembre 2020," aniya.

"At ang three year fixing na kung saan ay makakahiram ang mga miyembro ng hanggang 95% ng appraisal value ng property dati ay nasa 6.375% interest rate [reprice every 3 years] ngayon ay nasa 5.375 percent," dagdag niya.

Ani Moti, ito ay ginawa ng Pag-IBIG Fund para pasalamatan ang mga miyembro nito at upang ipabatid sa lahat na matatag ang pondo nila sa ahensya.

"At patuloy tayong tutulong, gayundin tulong sa ekonomiya natin para ma prevent ang deep drop in productivity in the low cost and socialize housing industry. Ibinaba natin ito para tumaas ang demand,“ dagdag na pahayag nito.

“Ang Pag-IBIG Fund po ay nagpapasalamat sa lahat ng ating mga miyembro ng dahil po sa inyong suporta ay lalong lumakas po ang pondo. At ngayon dahil sa financial strength nito ay we are in a position to help all of our members who are in need of our help and also the other stakeholders. Ang inyong lingkod Pag-IBIG ay handang tumulong at maglingkod sa inyo mula sa puso,” ani Moti. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments