LUNGSOD PASIG, Set. 29 (PIA) – Handang-handa na ang mga laptops at tablets na gagamitin ng mga guro at mag-aaral ng lungsod ng Pasig para sa
darating na pagbubukas ng paaralan sa Oktubre sa ilalim ng blended learning approach.
Nitong Lunes ng hapon sa kanyang Facebook live, ibinahagi ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang ilan sa mga mahahalagang detalye ng mga nabiling laptops at tablets para sa mga pampublikong guro at mag-aaral ng lungsod.
Ayon sa punong lungsod, ay may kabuuang 5,220 laptops ang nakalaan para sa mga guro kung saan ito’y nagkakahalaga ng Php227,246,645.
Para sa mga elementary students, 77,000 tablets ang nakalaan na nagkakahalaga ng Php395,409,630 at 63,000 tablets ang para naman sa mga junior at senior high school students na nagkakahalaga ng P371,700,000.
Gayundin, ang software na gagamitin ay nagkakahalaga ng Php38,884,046 at Php14,220,000 naman para sa video lesson production.
Ayon kay Mayor Sotto, halos Php200 milyon ang natipid ng pamahalaang lungsod mula sa kanilang inilaan na budget na mahigit Php1.2 bilyon. Aniya, ang buong proseso ay isinagawa sa pamamagitan ng open bidding.
Ngunit nilinaw ni Sotto na ang natirang pondo para dito ay gagamitin rin para naman sa mga late enrollees at transferees na mag-aaral ng lungsod.
Samantala, nilinaw din ng alkalde na hindi kailangan ng barangay certificate. Aniya, basta naka enroll sa pampublikong paaralan ang bata ay mabibigyan ito ng gadget.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Mayor Sotto sa Department of Education (DepEd), DepEd Division Office ng Pasig, at sa lahat ng tumulong para maisakatuparan ang proyektong ito.
Hinikayat din ni Mayor Vico ang mga mag-aaral na mag-aral ng mabuti at huwag sayangin ang pagkakataon.
“This is an investment for the next generation of Pasigueños,” pagtatapos ni Mayor Sotto. (PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments