Gatchalian nagbabala laban sa mga produktong may mapanganib na kemikal na ibinebenta online

LUNGSOD CALOOCAN, Okt. 17 (PIA) -- Nagbabala ngayong araw si Senator Win Gatchalian laban sa mga mga produktong nabibili sa online na mayroong mapanganib na kemikal.

Kamakailan lamang, nadiskubre ng grupong EcoWaste Coalition na hayagang nag-aalok sa online ang ilang third party dealers ng mercury thermometers at sphygmomanometers na pawang may mapanganib na kemikal kaya agad nilang ipinagbigay alam sa Food and Drug Administration (FDA) at Environmental Management Bureau (EMB) na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural resources (DENR).

Ang mercury thermometers ay ginagamit sa pagkuha ng temperatura ng tao habang ang  sphygmomanometers ay ginagamit naman sa pagkuha ng blood pressure.

Simula noong Setyembre ng 2010 ay tinaggal na sa merkado ang mga medical device na may mercury kasunod ng isang administrative order galing sa Department of Health (DOH).

“Bahagi na ng buhay natin ngayon ang online shopping. At habang patuloy na lumalago ang mga ganitong klaseng transaksyon ay naglipana naman ang mga mapaglinlang na online sellers. Hindi tama na hayaan na lang natin silang makapanloko dahil sa kawalan ng mekanismo para mapanagot sila sa iligal na gawain, “ ayon kay Gatchalian, na siyang pangunahing may-akda ng panukalang batas na Internet Transactions Act.

Ang Internet Transactions Act o Senate Bill No. (SBN) 1591 ay naglalayong gawing mas madali ang online transactions sa bansa at pausbungin ang tinatawag na digital economy. Ayon pa sa naturang panukala, kailangang higpitan pa ang regulasyon para mapangalagaan ang interes ng mga mamimili laban sa mga iligal na pamamaraan ng pagnenegosyo sa online.

Sabi pa ni Gatchalian, may probisyon din sa SBN 1591, na papanagutin ang dalawang panig – ang online platform at online merchant o seller na nagsu-suplay ng produkto sa online platform – sakaling ang nabentang produkto ay inireklamo lalo na kung ito’y nakakasama sa kalusugan ng mamimili at hindi rehistrado sa gobyerno.

“Hindi natin dapat hinahayaan sa mga e-commerce marketplaces ang mga ilegal na gawain at mga transaksyon ng ilan na ang habol lamang ay kumita nang malaki kahit na alam nilang hindi sila naging matapat sa mga mamimili. Sa bahagi naman ng mga mamimili, alamin ang karapatan sa pamimili sa online at maging mapanuri para hindi maloko,” sabi ni Gatchalian. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments