PUERTO PRINCESA, Palawan, Okt. 25 (PIA) -- Kani-kaniyang nagpababa ng paabiso ang mga lokal na pamahalaan ng iba’t ibang munisipyo sa Palawan hinggil sa pansamantalang pagsasara ng mga pribado at pampublikong sementeryo sa darating na Undas.
Sa ipinababang resolusyon ng mga lokal na Inter Agency Task Force on coronavirus disease 2019 (IATF-COVID-19) at executive order ng mga pamahalaang bayan, hindi muna papayagan ang pagdalaw sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4.
Ito ay upang maiwasan ang kumpol-kumpol at pagtitipon ng mga tao sa lugar na posibleng maging dahilan ng paghahawa-hawa ng sakit lalo na ng pinangangambahang COVID-19.
Sa bayan ng San Vicente, nagpaabiso na ang LGU na mula sa unang araw ng Oktubre papayagan muna ang lahat, ano man ang edad ng mga nais na bumisita sa puntod, subalit pagpatak ng petsa ng pansamantalang pagsasara ay mahigpit na nila itong ipatutupad, maliban lamang sa mga maglilibing.
Ang ilang munisipyo naman ay gumawa ng hiwalay na sistema para sa araw ng dalaw bagaman hindi sakto sa mismong petsa ng ‘Araw ng mga Patay’.
Alinsunod rin sa kautusan ng IATF for the Management of Emerging Infectious Diseases, isasara sa mga bisita sa parehong petsa ang mga sementeryo at memorial park sa lungsod ng Puerto Princesa.
Bunsod nito, hinihikayat ng mga lokal na pamahalaan na maaga nang bisitahin ang puntod ng kanilang mga yumaong kaanak, gayunpaman pinaaalalahanan ang publiko na pairalin ang mga itinakdang panuntunang pangkalusugan. (LBD/PIAMIMAROPA)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments