
LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 23 (PIA) -- Sa kabila ng bumababang bilang ng kaso ng COVID-19 , mas mahigpit na ipinatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Makati ang mga minimum health protocols upang matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa pagkalat ng ng sakit.
"Patuloy ang pag-iikot ng mga kawani ng Public Safety Department (PSD) sa iba’t ibang barangay sa lungsod," sabi ng isang post nito sa Facebook.
"[Ito ay] upang siguruhin na nasusunod ang social distancing, pasusuot ng face mask, at iba pang safety measures upang maprotektahan sa sakit ang bawat #ProudMakatizen," dagdag pa nito.
"Gayundin ang pagpapanatili ng seguridad ng publiko sa mga kalye para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat," paalala ng lokal na pamahalaan.
Nitong Linggo, Nov. 22, nakapagtala ang Makati Health Department (MHD) ng 231 active COVID-19 cases sa lungsod.
Base sa rekord, 8,281 ang gumaling mula sa naturang sakit at umabot na sa 8,841 ang kabuuang bilang ng confirmed cases sa Makati.
Muling ipinapaalala ni Mayora Abby sa lahat ng Makatizens na manatili sa tahanan at iwasan ang paglabas kung hindi kinakailangan upang maging ligtas.
"Kung sa pakiramdam mo ay mayroon kang sintomas ng COVID-19, mangyaring tumawag sa 168 o (02) 8942 6843. Huwag lumabas ng bahay upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus," paalala nito. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments