LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Nob 23 (PIA)--Pinagkalooban ng tulong ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang mga mamamayan ng mga bayan ng Real, Gen. Nakar at Infanta (REINA) na apektado ng nagdaang kalamidad.
Pinangunahan ni Governor Danilo E. Suarez noong Nob 17, kasama sina Vice Governor Sam Nantes at Bokal Alona Obispo ng unang distrito ng Quezon ang pamamahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng pagbaha, pagkasira ng mga pananim at mga bahay dahil sa hagupit ng bagyong 'Ulysses.'
Kabilang sa mga tulong na ipinamahagi ng pamahalaang panlalawigan sa mga biktima ng bagyo ay mga yero, relief food packs at mga kagamitang pangsakahan.
Labis naman ang pasasalamat ng mga alkalde ng bawat bayan sa REINA area sa pamahalaang panlalawigan dahil sa palagiang pag-aksyon at paghahatid ng tulong para sa kanilang mga kababayan .
Ayon sa Quezon Public Information Office, palagi namang nakaantabay si Gov. Suarez sa mga mamamayan ng Quezon at handang magpaabot ng suporta na tutugon sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan at hanapbuhay lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Sa ngayon, patuloy sa pagsuyod ang grupo ng pamahalaang panlalawigan sa buong probinsya kasabay ng pakikipag-ugnayan at paglapit sa iba’t-ibang nasyunal na tanggapan upang makatuwang sa paghahatid ng ayuda at programa para sa mga mamamayan ng lalawigan ng Quezon na naapektuhan ng mga nakaraang kalamidad. (Ruel Orinday-PIA-Quezon at ulat mula sa Quezon PIO)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments