LUNGSOD NG BATANGAS, Nob 1 (PIA) --Isinailalim sa state of calamity ang lungsod ng Batangas dahilan sa tinamong pinsala dulot ng bagyong Quinta.
Sa bisa ng Executive Order No. 42 na nilagdaan ni Mayor Beverley Rose Dimacuha noong Oktubre 26, nakasaad na mas mapapabilis ng pamahalaang lungsod ang pagsasagawa ng rescue, recovery at rehabilitation project sa mga lubhang naapektuhang lugar batay sa pagkakadeklara ng state of calamity.
Malaki ang idinulot na pinsala sa agrikultura at imprastratura ng lungsod matapos na manalasa ang bagyong Quinta kung saan maraming mga kalsada tulad ng sa bahagi ng De La Paz at Talumpok Silangan ang kinakailangang maisaayos upang muling madaanan ng mga motorista.
Nasa 300 pamilya ang kailangang lumikas at lisanin ang kanilang mga kabahayan upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa.
Sa tulong ng naturang kautusan mas mabilis na maisasagawa ang damage assessment ng bagyo sa iba’t-ibang barangay upang mas mabilis na maisagawa ang relief at medical operation at matugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga residente dito. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas with reports from PIO Batangas City)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments